EDITORYAL - Marami pang kakasuhan sa pandarambong
ITO raw ang unang-una sa kasaysayan kung saan, isang trak ng ebidensiya ang iniharap para madiin sa kasong pandarambong ang 38 tao na kinabibilangan ng mga mambabatas. Sabi ni Justice Secretary Leila de Lima makaraang ma-file ang kaso sa Ombudsman, noong una raw hindi nila alam kung magagawang mai-file ang kaso, subalit nagawa nila at alam daw nilang ginagabayan sila ng Diyos.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon Revilla Jr. Inaakusahan silang nakinabang sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa pamamagitan ng mga pekeng non-government organizations (NGOs) na binuo ni Janet Lim-Napoles. Si Napoles ay isa rin sa kinasuhan ng plunder. Si Enrile ay naka-kickback umano ng P172.8 million, si Estrada ay P183.8 million at Revilla, 224.5 million. Pero sabi ng tatlong senadorÂ, ipagtatanggol daw nila ang sarili.
Sabi ni De Lima noong Lunes, unang batch pa lamang ang 38 kinasuhan at mayroon pang second batch. Kung ang unang batch ay isang trak na ang ebidensiya, maaaring mas marami pa ang susunod na kakasuhan ng pandarambong. Baka dalawang trak na ang isusumiteng ebidensiya. Ang mga ebidensiyang dinala sa Ombudsman ay mga dokumento kung saan ay nakasaad ang mga transaksiyon ng mga pekeng NGO ni Napoles sa mga implementing agencies. Makikita rin umano sa mga dokumento ang mga pagdedeposito nang maÂraming tseke sa banko at ang pagdeposito sa account naman ni Napoles.
Bukod sa PDAF ng mga mambabatas, malaki ring pondo ng Malampaya ang naibulsa ni Napoles. Ang Malampaya fund ay nakalaan para sa mga magsasaka subalit ang nakinabang lamang ay si NapolesÂ. Habang ang mga magsasaka ay kumaÂkapit sa patalim para lamang may maipambili ng insecticides, binhi at iba pang gamit pangsakahan, itinatambak lamang sa bathtub ni Napoles ang sandamukal na perang nakulimbat sa Malampaya.
Sa pagsasampa ng kaso sa 38 tao, nabuhayan ng pag-asa ang mamamayang galit na galit sa nangyaring pork barrel scam. Pero hangga’t walang naÂikukulong na mambabatas at opisyal ng gobyerno, hindi matatahimik ang mamamayang ninakawan ng pork. Magpapatuloy ang protesta sa pagnanais na ibasurang tuluyan ang pork.
- Latest