^

PSN Opinyon

Komisyon-modus sa mga review center

BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

HINDI na ubra ang mga pailalim na estilo at panggugulang ng ilang mga kolehiyo at unibersidad ngayon. Kung dati ang pamunuan ng bawat departamento ng kurso ang namimili at nagdedesisyon kung anong review center ang obligado at dapat pasukan ng graduate students, ngayon hindi na ito pwedeng ipairal pa!

Ibig sabihin, hindi na puwedeng manduhan ng pamunuan ng paaralan ang mga grumadweyt kung anong review center ang kanilang papasukan. Marami kasing mga reklamo at sumbong hinggil sa pang-iipit umano ng ilang mga institusyon sa transcript of scholastic records, diploma at certificate o mga mahahalagang dokumento ng mga estudyante kung hindi sila mag-eenroll sa “suking” review center ng unibersidad.

Ang review center ang itinuturing na training ground o sanayan ng mga estudyante sa pagsagot sa eksaminasyon bago sila kumuha ng professional licensure exam.

Nitong nakaraang linggo, inanunsyo ng Palasyo na ganap ng isang batas ang Republic Act No. 10609 (Pro­tection of Students’ Right to Enroll in Review Centers Act of 2013). Layunin nito na protektahan ang bawat mag-aaral sa anumang uring pang-aabuso ng mga Higher Education Institution hinggil sa pagpili ng mga review center at sapilitang pagpapabayad ng miscellaneous fees na may kaugnayan sa pagrerebyu.

Sakop ng bagong batas ang mga pampubliko at pampribadong paaralan kasama ang mga local college at university na nag-aalok ng mga kursong obligadong pasahan ang professional licensure examinations.

Ngayong Oktubre, marami na namang mga magsisipagtapos sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad. Sila ’yung mga “Octo­berian” kung tawagin dahil natapos nila ang kanilang kurso sa pagta­tapos ng unang semestre. Pinapaalalahanan namin ang mga bagong grad­weyt, sakali mang may mga susuway sa inyong mga karapatan sa RA 10609, huwag mag-aatubiling isumbong ito sa amin o agad makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno na nakakasakop dito.

Nililinaw ko lang, hindi layunin ng BITAG na punahin, sagasaan at siraan ang anumang pamama­lakad ng mga kolehiyo at unibersidad sa bansa. Ipi­nababatid lang ng BITAG ang mahahalagang impormasyon sa mga mag-aaral partikular sa pamunuan ng mga paaralan upang hindi kayo pare-parehong mangapa at ma-BITAG sa anumang uring kalituhan!

HIGHER EDUCATION INSTITUTION

IBIG

IPI

LAYUNIN

NGAYONG OKTUBRE

REPUBLIC ACT NO

REVIEW CENTERS ACT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with