EDITORYAL - Bantayan, mga ganid na negosyante
KAPAG may kalamidad, lumulutang ang mga gaÂhamang negosyante. Sasamantalahin ang pagÂkakataon para maitaas ang kanilang mga paninÂda lalo na ang mga pagkain. Alam nilang hindi na makakapiyok ang mga nangangailangan ng pagkain at magbabayad kahit sobra-sobra ang patong. Walang ipinagkaiba ang mga gahamang negosyante sa mga buwitre na nagsusulputan kapag nakaamoy ng mga bangkay. Walang pakialam ang mga ganid at gahamang negosyante sa kalagayan ng mga biktima ng baha o ng kalamidad. Ang nasa isip ng mga gahaman ay kumita nang malaki. Mabuti pa nga ang mga buwitre at kapag nabusog sa laman ng bangkay ay titigilan na ang pagsila at pagkatay. Ang mga gahamang negosyante ay hindi titigil at gusto’y kumita nang kumita hanggang umapaw ang kanilang bulsa.
Kahapon, may mga ulat na ilang pangunahing paninda --- bigas, sardinas, noodles, kape at asukal ay nagtaas ng presyo sa mga lugar na sinalanta ng baha dahil sa walang tigil na pag-ulan na sinimulan noon pang Linggo. Umano’y maraming may-ari ng tindahan sa mga binahang lugar ang nagtaas nang doble sa kanilang paninda. Mayroon daw tindahan na ang isang kilo ng bigas na dating nabibili ng P36 ay naging P46 at mayroong umaabot pa sa P50 isang kilo. Pati ang sardinas, kape at asukal ay tila naging “ginto†ang presyo. Hindi na raw makaangal ang mga bumibili sapagkat kailangan na nilang magsaing dahil nagugutom na ang mga maliliit na anak.
Maraming nagsasamantalang negosyante kapag may kalamidad at tila walang ginagawang pagbabantay ang Department of Trade and Industry (DTI) sa masamang gawain na ito. Natutulog ba sa pansitan ang mga taga-DTI at walang pagkilos laban sa mga gahaman at walang kabusugan?
Ipatikim ng DTI ang kanilang kamaong bakal sa mga gahamang negosyante. Kapag nahuli at napatunayang nagmahal ng paninda, bawian ng lisensiya o permit para hindi na muling makapagtinda. Ang mga matatakaw na negosyante ay hindi nararapat pinatatawad sapagkat masahol pa sila sa mga “gutom na buwitreâ€.
- Latest