^

PSN Opinyon

“ ‘Joyce Jimenez’ nakulong!” (Unang Bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG TUNAY na kwento kadalasan ay mababasa sa pagitan ng mga linya ng salita…sa buntong-hininga… sa ikinikilos ng isang taga-salaysay. Sa ganitong paraan malalaman mo kung ano ang kanilang tinatabingan.

Nakahandusay sa ilalim ng mesa…nakalaylay ang telepono, may gilit sa leeg at naliligo sa sariling dugo. Ganito ang huling larawang naaalala ni Joyce Jimenez-Barron, 34 na taong gulang, taga Bulacan sa amang si Miguel Torres Jimenez, isang abogado.

“Tumawag pa ako sa kanya. Hinanap ko ang asawa kong si Boy. Yun na pala ang magiging huli naming pag-uusap,” wika ni Joyce.

Ika-21 ng Enero ng taong 2004… nagpaalam si Joyce at asawang si Rommel “Boy” Barron na mamamasyal sa SM Bacoor kasama ang isang kasambahay. Hiniram nila ang kotse ni Miguel. Hindi ito pumasok sa trabaho dahil masama umano ang pakiramdam.

Ilang minuto pa lang silang nakakarating sa SM Bacoor biglang nawala sa kanyang paningin si Boy. Agad naghanap ng teleponong magagamit si Joyce. Kinutuban siyang baka may gawing hindi maganda ang asawa.

“Nagbabanta kasi siya dati. Papatayin niya kami kapag nalaman niyang may relasyon kami ng daddy ko. Nagda-drugs siya. Tumawag kaagad ako sa bahay. Si Daddy lang ang naiwan dun,” kwento ni Joyce.

Bandang 5:30 ng hapon nakausap niya umano ang amang si Miguel. Hinanap niya ang asawa para kumpirmahin kung umuwi ba ito.

“Wala na rito. Nagpaalam na pupunta sa nanay niya. Iniwan ang kotse at susi,” sabi umano ni Miguel.

“Bente pesos lang ang laman ng bulsa ko, di ako makauwi. Nagbingo muna ako at nanalo ng dalawang libo. Yun ang ginamit ko pambili ng gatas ng anak ko at pamasahe pauwi,” salaysay ni Joyce. 

Bandang alas 9:00 ng gabi…nasa gate na sila ng bahay. Patay ang lahat ng ilaw ngunit bukas ang aircon. Tahimik ang lugar, nakakandado ang gate at walang ubo siyang naririnig.

“Pinuntahan ko ang kapit-bahay naming si Christian Reyes para makitawag,” wika ni Joyce.

Hindi niya makontak ang telepono. Tinanong niya si Christian kung napansin niya bang may tao ang bahay nila.

“Si Boy lang ang nakita ko kanina nung bumaba ng tricycle. Kinawayan pa nga ako,” sabi umano ni Christian.

Sinubukang muling kumatok ni Joyce ngunit wala pa rin siyang sagot na narinig. Nanghiram siya ng screw driver kay Christian. Inakyat nila ang gate at pinilit buksan ang pinto.

Nang buksan niya ang ilaw, nakita niyang nakahandusay sa ilalim ng mesa sa kumedor ang ama.

Nangingitim ang kuko, halatang wala ng buhay at basang-basa ng dugo ang buong katawan.

“Ang daddy ko! Ang daddy ko!” sigaw ni Joyce. Paulit-ulit ang paglingon niya sa kanyang paligid. Agad niyang inisip na baka balikan siya ni Boy at patayin. Nagsidatingan ang kanyang mga kapit-bahay upang makiusyoso.

“Sinuntok muna tapos pinalo ng bote saka ginilitan sa leeg ang daddy,” sabi ni Joyce.

Ilang minuto ang nakalipas dumating ang mga pulis kasama ang kanyang tiyuhin na si Espiridion Jimenez o Pidyong, kapatid ng kanyang ama.

“Damputin niyo yan! Isama niyo yan! Siya ang pumatay!” sabi ng kanyang tiyuhin sa mga pulis na sa kanya ang tukoy.

Sinampahan siya ng kasong ‘Murder’ ni Pidyong. Ayon pa dito malaki ang kanyang motibo na patayin ang sariling ama dahil sa interes niya sa pera. Walang trabaho ang mag-asawa at umaasa lang kay Miguel.

“Tuwing dadalaw sa akin yung alalay niya laging nakikipag-settle tungkol sa properties ng daddy ko. Inaabutan ako ng limang daan para pirmahan ko ang ilang papeles,” pahayag ni Joyce.     

Isang beses lang nakapunta ng burol si Joyce at halos ayaw pumayag ni Pidyong na naroon siya. Wala itong nagawa nang ipakita niya ang ‘court order’.

Nang sinimulang dinigin ang kaso, ang kapitbahay ni Joyce na si Christian Reyes ang tumestigo laban sa kanya.

“Spoiled brat yan. Suwail na anak at sunud-sunuran lang sa kanya ang daddy niya,” salaysay umano ni Christian sa korte.

Dagdag pa nito narinig niya mula sa kanilang kusina ang naging usapan nina Boy at Miguel. Humingi ng pera si Boy. Nagkataasan ng boses. Ilang saglit pa biglang tumahimik.

“Alam nilang may baril ang daddy ko. Hindi lang sila umaksiyon dahil walang narinig na putok,” pahayag ni Joyce.

Ang testimonyang ito ni Christian ang nagdiin kay Joyce ngunit kalaunan ito rin ang nagbigay sa kanya ng pag-asa dahil pagkaraan ng panahon binawi ito ng testigo. “Walang kinalaman si Joyce sa pagkamatay ni Atty. Miguel Jimenez,” wika nito. 

Habang dinidinig ang kaso, si Joyce ay nanatili sa kulungan ng Bacoor Municipal Jail ng Cavite.

Gumawa si Christian ng ‘Affidavit of Recantation’ upang bawiin ang lahat ng sinabi niya sa korte. Ang abogado naman ni Joyce ay nag-file ng ‘Demurrer to Evidence’.

Naaprubahan ito noong Pebrero 1, 2011. Pirmado ng Executive Judge na si Eduardo Israel Tanguanco.

Makalipas ang dalawa’t kalahating taon na pagkakakulong, nakalaya si Joyce dahil sa kawalan ng sapat at konkretong ebidensiya na siya nga ang kasabwat ng asawang pumatay kay Miguel.

Paglabas niya nalaman niyang kinuha na umano ni Pidyong ang lahat ng pag-aari ng ama. Ang apat na titulo ng lupa, ang kotse at ito na ang gumagalaw ng bank accounts ni Miguel sa iba’t-ibang bangko.

ABANGAN ang karugtong ng kwentong ito sa LUNES. EKS­KLUSIBO dito lang sa ‘CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392 (Carla) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes. Follow us on twitter: Email: [email protected]

CHRISTIAN

CHRISTIAN REYES

DADDY

ILANG

JOYCE

LANG

MIGUEL

NIYA

PIDYONG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with