^

PSN Opinyon

Buhay pa rin ang diskriminasyon

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

KAILAN lamang ay nagpunta ang ilang mga kaibigan ko sa Hong Kong. Apat silang mga lalaking magkakasama, ang isa ay mestiso, kaya mas maputi siya kaysa sa mga kasama niya. Sa Hong Kong, napakaraming nakatayo lamang sa kalsada at nag-aalok o naglalako ng kahit ano, mula relo, patahing amerikana, mga alahas at kamera. Lalapit sila sa mga naglalakad at pilit aalukin ng kahit ano. Ang napansin ng mga kaibigan ko, ay habang naglalakad sila sa kalsada ng Hong Kong, ang kanilang mestisong kasama ang laging nilalapitan at inaalok ng relo o patahi ng amerikana. Wala raw mintis na siya ang lalapitan ng mga nagbebenta, at hindi papansinin ang mga ibang kasamang Pilipino. Siguro pinagkakamalang Amerikano o taga-Europe. Ito ba’y isang pasaring sa ating lahi, na ang kasama nila, komo maputi, ang siyang inaalukan ng relo, na malamang ay peke naman, dahil ang paniwala ay siya ang mayaman sa grupo, at ang mga hindi maputing kasama ay hindi nila sinasayang ang oras? O kaya’y siya ang mas madaling maloloko?

Kailan lamang ay naging isyu ang mga patama sa lahi natin, sa isang laro ng mga Azkals sa Hong Kong. Kung anu-anong mga kantiyaw at patutsada ang sinabi ng mga taga-Hong Kong sa mga manlalaro natin, pati sa mga Pilipinong nanood para suportahan ang Azkals. Tinawag na bansa ng mga alipin, binastos ang Pambansang Awit natin, at tinapunan pa ng bote ang mga manlalaro! Kung may kinalaman pa rin ito sa naganap na insidente sa Quirino grandstand noong 2010, o sa insidente ng pagpatay sa isang mangingisdang Taiwanese ay hindi matiyak. Pero inangat na ng Philippine Football Federation ang reklamo sa FIFA para aksyunan at mahigpit na sila sa mga patamang-lahi na laganap sa soccer, lalo na sa Europe. Wala pa akong nababalitaang aksyon mula sa FIFA ukol dito. 

Hindi ko akalaing isyu pa rin ang diskriminasyon dahil sa lahi o bansang pinanggalingan. Akala ko problema iyan sa Amerika noong dekada sisenta. Pero laganap pa rin pala ang diskriminasyon, dahil sa lahi. May mga balita ako na may mga trabahador mula sa ibang bansa – Bangladesh – ang ayaw bigyan basta-basta ng trabaho. Tila may kinalaman sa kulay ng kanilang balat, at pananalitang Ingles. Buhay na buhay ang diskriminasyon. Maaaring hindi lantaran, pero nandiyan pa rin. At mangyayari pa sa isang siyudad na sa alam ko ay maunlad na maunlad, na hindi na isyu ang kulay ng balat o kung saan nanggaling.

AMERIKA

AZKALS

HONG KONG

PAMBANSANG AWIT

PERO

PHILIPPINE FOOTBALL FEDERATION

SA HONG KONG

WALA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with