12 bad habits na dapat iwasan ng Pinoy (Part 2)
HETO ang anim pang bad habits na dapat nating baguhin para lagi maging healthy:
1. Mahilig sa matatamis na inumin – Oo, siguradong guilty ka diyan. Ang pagkain ng sobrang matatamis ay puwedeng magdulot ng diabetes, katabaan at sakit sa puso rin (ayon sa bagong pagsusuri). Limitahan ang pag-inom ng soft drinks, canned juices at iced tea. Mas piliin ang fresh fruits, green tea at tubig.
2. Sobra sa pag-inom ng kape at energy drinks – Naku, marami akong kilala na limang tasang kape ang naiinom sa bawat araw. Masama po iyan kapag sumobra. Puwede kayo magkaroon ng nerbiyos, palpitation at hindi pagkatulog. May iba naman na umaasa sa energy drinks para labanan ang kanilang pagkapuyat. Mali rin po iyan. Para magkaroon ng energy, kumain nang tama, magpahinga ng sapat at umiwas sa bisyo.
3. Sobra sa dami ng rice – Ayon sa pagsusuri, ang sobrang pagkain ng kaning puti ay puwedeng magdulot ng diabetes at katabaan. Bawasan ang pagkain ng kanin at palitan ito ng gulay at prutas. Mas healthy ang brown rice at wheat bread, kumpara sa kaning puti.
4. Nakakalimutan maghugas ng kamay – Ang paghugas ng kamay ang pinaka-magandang paraan para makaiwas sa sakit. Maraming sakit ang nakukuha sa maruming kamay tulad ng pagtatae, sore eyes, typhoid fever, tuberculosis, pigsa, at iba pa. Maghugas palagi ng kamay.Kung walang tubig at sabon, gumamit ng alcohol.
5. Kulang sa pagsisipilyo – Ang pangkaraniwang Pilipino ay nagsisipilyo lamang ng isa o dalawang beses sa bawat araw. Kulang po ito. Ayon sa pagsusuri, ang bacteria sa ngipin ay nakapagdudulot ng sakit sa puso. Simple lang ang solusyon. Magsipilyo ng tatlong beses sa bawat araw at gumamit din ng dental floss kahit isang beses sa maghapon.
6. Ayaw magpa-check-up – Karamihan ng mga kalalakihan ay takot magpa-check up sa doktor. Kailangan pang pilitin ng mga misis para pumunta sa clinic. Bad habit po iyan. Magpatingin ng maaga para malaman at maagapan ang sakit.
- Latest















