Pro RH wagi sa election
NOONG panahon ng kampanya, puspusan ding kumilos ang mga Obispo at kaparian ng Roman Catholic Church laban sa mga kandidatong sumuporta sa Reproductive Health Law (RH law). Wa epek! Nobenta y kuwatro porsyento ng mga mambabatas na pro-RH ang nananalo sa bilangan matapos ang eleksyon noong Mayo 13.
Ibig sabihin nito, nakararami pa rin sa ating mga kababayan kasama na ang mga Katoliko ang pabor sa family planning. Ang protesta pala ng mga kaparian laban sa RH-bill ay hindi kumakatawan sa tinig ng mga Katoliko-Romano. Katunayan nga, may mga inendorso ang “White Vote†movement ni El Shaddai servant-leader Mike Velarde na nalaglag sa senatorial race.
Pero nakamamangha na ang mga kandidatong inendorso ng Iglesia ni Cristo ay pumasok sa tinatawag na “magic 12â€. Bago idaos ang eleksyon, sinabi ni Sen. Miriam Santiago na ang resulta ng mga survey ng SWS at Pulse Asia ay mababago kapag inilabas ng INC ang endorsement ng mga kandidato, bagay na naganap nga nang biglang sumikad paitaas si Senator-elect Grace Poe upang maging topnotcher sa senatorial race. Si Loren Legarda na consistent sa pagi-ging number 1 sa survey ay pumangalawa na lamang.
Balik tayo sa paksa ng RH Law. Tingin ko, ang situwasyon ay sumasalamin din sa kalagayan ng pambansang ekonomiya. Nasa 30-porsyento pa rin ang mga itinuturing na maralita na madalas kumakalam ang sikmura dahil sa gutom. Natural lamang na susuporta ang mga taong ito sa pagpaplano ng pamilya para mahadlangan ang pagdami ng kanilang mga anak na halos hindi na maitaguyod ang pangangailangan.
Obvious naman ito. Makikita nating palabuy-laboy ang mga batang lansangan na namamalimos kung hindi man nangangalkal ng basura para sa kanilang makakain. At iyan ay sa kabila ng ipinamamarali ng mga dalubhasa sa ekonomiya na pag-angat ng kabuhayan na hindi naman nadarama ng mga mahihirap.
Sa aking palagay, magiging matagumpay lamang ang Simbahan sa paghadlang sa batas sa population control kung may maiaalok itong solusyon para sugpuin ang kahirapan sa bansa.
Harinawa na ang mga bagong halal na mambabatas, maging sa Mababang Kapulungan o Senado ay makabuo ng mga batas na makakaresolba sa lahat ng problemang may kinalaman sa kahirapan.
- Latest