^

PSN Opinyon

“Eredera si Inday”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Huwag mong utusang maging guwardya ang tiwala sa bukas na pintuan ng iyong sikretong lalagyan.

 Ito ang natutunan ni Eli Bernales—65 anyos ng Pampanga tungkol sa kinahinatnan ng mga lupang pag-aari sa Cupang, Muntinlupa ng kanyang namatay na Madrastang si Pastora Sanchez-Bernales. Dalawang Lote (Lot 1 at Lot 2) ang tinutukoy na ito ni Eli na may sukat na 225 sqm. bawat isa.

Hindi niya lubos maisip ngayon kung ano ang tunay na nangyari sa paraan ng paghahati-hati ng pamana ni Pastora na nakasaad sa “huling habilin” na ipinakita sa kanya. Pumanaw nitong Enero 2013 sa edad na 86 si Pastora dahil sa atake sa puso.

Sa huling testamento, hinati ang walong pintuang apartment. Tatlong pinto kay Felicisima “Fely” de Lara, 45 anyos—tagapag-alaga at kasambahay ni Pastora; tatlong pinto rin kay Pilar Aya, 81 anyos—matalik na kaibigan at kasama sa bahay ni Pastora, at dalawang pinto kay Eli.

Bagamat nagtataka sa nakasaad sa testamento, binalewala ito ni Eli ngunit nung makaharap na niya ang mga kamag-anak ni Pastora matapos ang  libing ng matanda, mas tumindi ang kanyang alinlangan.

 â€œNilaglag mo naman kami Ka Eli,” sabi umano ng isang pamangkin ni Pastora. Hindi niya matukoy ang ibig sabihin ng pasaring sa kanya.

“Kung ibinenta mo yung mga lupa ng tiya namin (Pastora), sana naman inambunan mo manlang kami,” dagdag pa ng isang pamangkin.

Gulat na gulat si Eli sa paratang na ito at todo ang kanyang pagtanggi sa kanila dahil wala siyang natatandaang ibinenta niya ang dalawang lote.

Nagpunta sa Registry of Deeds itong si Eli upang kumuha ng kopya ng “Transfer Certificate of Title(TCT)” ng Lot 1 at Lot 2, para malinawan.

Dito niya natuklasan na nakadalawang salin na ang mga lupain. Nakalagay sa orihinal na TCT na ang dalawang lote na ito ay  “pagmamay-ari ni Pastora G. Sanchez na ikinasal kay Teofilo Bernales”. Ito ay ipinamana sa kanya ng kanyang mga magulang kaya’t ito’y matatawag na “paraphernal property” o hindi kasama sa kanilang naipundar na mag-asawa.

Nagserbisyo naman bilang Navy sa Amerika si Teofilo at nagpapadala ng pera nung araw para makapagpatayo sila ng mga apartment dito.

Napakunot ang noo ni Eli nung mabasa niya sa sumunod na TCT na ito pala ay binenta ni Pastora sa mag-asawang James Oliva at Rowena de Lara-Oliva. May nakasamang papel ito ng “Deed of Sale”, kung saan nagkaroon umano ng bentahan nung Nobyembre 2009.  Ipinagbili umano ang lupa sa halagang 2.5 na milyong piso.

Kasunod niyon ay ang pangalawang salin sa Central Visayas Finance Corporation(Visayas Corp.) kung saan nalaman niyang sinanla ng mag-asawang Oliva ang  lupa sa korporasyong ito hanggang maremata.

Sa mga dokumentong kanyang nabasa, palaisipan kay Eli kung saan napunta ang pinagbentahan ng lupa sapagkat halos lahat ng ginastos sa pagpapaburol at pagpapalibing sa matanda ay inutang lamang. At maging ang  bank account umano ng matanda ay wala nang laman.

Walang ibang naisip si Eli na koneksyon sa mag-asawang Oliva kung hindi si Fely sapagkat bayaw at kapatid nito ang  dalawa.

Nagunita ni Eli na hiningi nga mula sa kanya ni  Pastora ang  ipinatagong mga dokumento ng dalawang lote nung Taong 2008 dahil ibebenta raw ito. Hindi naman nakialam si Eli ukol dito sapagkat iginagalang niya kung ano man ang plano ng madrasta sa kanyang lupa.

“Tunay na mag-ina ang turingan namin dahil siya ang  nag-alaga sa akin simula nung apat na taong gulang pa lang ako,” kuwento ni Eli.

Taong 1948 nung ma-ulila sa ina itong si Eli at matapos ang isang taon ay nakilala ng kanyang amang si Teofilo si Pastora at nagpakasal ang mga ito nung 1952. Hindi nagka-anak ang dalawa at lumaki si Eli na kinikilalang ina si Pastora. Nung mag-asawa na itong si Eli, nuon lamang siya nalayo sa mga magulang dahil nanirahan na siya kasama ng kanyang pamilya sa Olongapo.

Mula nuon, nakasama na sa bahay ng kanyang mga magulang ang matalik na kaibigan ni Pastora na si Pilar Aya. Lingguhan ang pagdalaw ni Eli sa kanila.

Simula nung magretiro sina Teofilo at Pastora, sa kinikitang upa sa apartment sila kumukuha ng kanilang panggastos at ang  mga pensyon. Hanggang nung magkasakit si Teofilo nung taong 1999, kinuha nilang kasambahay at tagapag-alaga si Felicisima de Lara. Nung mamatay si Teofilo nung Taong 2005, sina Pilar at Fely na ang nakasama ni Pastora sa bahay.

Kinumpronta ni Eli at ng kanyang asawa sa isang tawag sa cell phone si Fely tungkol sa nangyari sa pagbebenta ng lupa at ang tungkol sa “huling testamento” ng matanda. Sinagot ni Fely na ipapaliwanag daw niya ito sa tamang lugar at hindi sa telepono.

Gustong kuwestyunin ni Eli ang pagiging totoo ng ipinakitang “huling habilin” sa kanya at kung anong legal na hakbang ang maari niyang gawing aksyon ukol dito kaya’t inilapit niya ito sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang  kwentong ito ni Eli.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maaring kataka-taka para kay Eli ang iniwang huling testamento nitong si Pastora dahil sa hindi ito naka-sulat-kamay kung ‘di naka-‘encode’ sa computer. Kung nais nilang kuwestyunin ang ipinakitang “huling habilin” ni Pastora, maari siyang magsampa ng kaso sa Regional Trial Court at isali ang lahat ng pangalan na lumitaw, kung saan dumaan ang mga dokumento sa isang “annulment of title”(nullity of sale by impleading all those who had a hand in the transaction).

Dapat na pumunta si Eli sa main office ng Land Registration Aauthority(LRA) at magsampa siya ng “adverse claim” dahil para sa kanya kwestyunable ang  pagbebenta. Pagkatapos nito ay magsampa na siya ng kaso sa korte. Kapag nagawa na niya yon bibigyan niya ng kopya ang  Registry of Deeds para ito ay mailista sa “lis pendens” para hindi na maisalin ito sa iba pang kamay. Ang mag-asawang Oliva na kapatid ng kasambahay ay dapat patunayan kung saan nanggaling ang  pera at ito’y hindi isang “simulated sale” o gawa gawang bentahan lamang para maisanla nila sa Central Visayas Corporation. Malinaw naman na ang halaga ng lupa at pati na rin ang  mga apartment sa Muntinlupa ay higit na mas mahal sa 2.5M (“appraised and zonal value”). Ang isa pang hindi malinaw sa amin ay kung bakit naremata na ito ng Visayas Corp. pero patuloy pa rin na ang may hawak, umookupa at nagpaparenta ay sina Fely at Pilar, gayong lampas na yung “redemption period” na isang taon. Gratis et amore (“for free and for love”) ba ang  patuloy na pagpapatira sa inyo diyan ng Visayas Corporation? Mahabang bakbakan ang naghihintay para kay Eli, pero dapat ipaglaban niya ang  karapatan niya. Sa ganitong paraan matamasa naman niya ang  biyayang iniwan sa kanya ng kanyang nagmamahal na ama.

(KINALAP NI PAULINE VENTURA) Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784392 o 0906-7578527 . Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

ELI

FELY

KUNG

NIYA

NUNG

PASTORA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with