EDITORYAL - Iprayoridad, seguridad ng mga pasahero
NGAYONG araw na ito ay inaasahang dadagsa pa ang mga pasaherong magtutungo sa kani-kanilang mga probinsiya para gunitain ang Semana Santa. Kahapon, maraming pasahero ang nagsiksikan sa mga bus terminals. Dagsa rin ang mga pasahero sa mga pier at pati sa airport.
Sa mga ganitong sitwasyon nangyayari ang mga hindi inaasahan: Pagbangga ng mga bus, paglubog ng mga barko at pag-crash ng mga eroplano. Pero ang mga ito ay maiiwasan kung ang mga pamunuan ng transportasyon ay magkakaroon nang mahigpit na pag-iinspeksiyon bago ibiyahe ang mga sasakyan. Nararapat ding maghigpit sa mga drayber ng bus sapagkat may mga gumagamit ng illegal na droga dahilan para maaksidente.
Maganda naman ang ginawa ni President Noynoy Aquino na pagbisita sa mga terminal ng bus, airport at pier noong Martes. Inalam niya kung magiging ligtas ang pagbibiyahe ng mga magsisiuwi sa probinsiya. Napansin din niya na ang mga nakasulat na babala sa mga terminal ay English kaya pinaÂpalitan niya ito ng Tagalog para raw maintindihan ng mamamayan.
Magandang halimbawa rin ang ginawa ng ilang bus company na lantaran at biglaang isinailalim sa drug testing ang kanilang bus drivers noong Martes. Nararapat lang na ma-drug test ang bus drivers sapagkat marami na ngayon ang nasa impluwensiya ng droga. Gumagamit umano ng shabu ang mga driver para hindi antukin sa haba ng biyahe, pero naglalagay naman sa peligro ng buhay ng mga pasahero. Nawawalan ng control sa manibela dahil sa bilis ng takbo. Sa isang iglap, sa hukay dinala ng bangag na driver ang mga kawawang pasahero.
Ang masusing pag-iinspeksiyon sa mga dala-dalahan ng pasahero ay nararapat na hindi-ningas-kugon. Maaaring makalusot ang mga pampasabog at iba pang mga sandata — baril, patalim na maglaÂlagay sa panganib ng mga pasahero.
Iprayoridad ang kaligtasan ng mga pasahero. Hindi lamang ngayong panahon ng Kuwaresma kundi sa lahat ng oras. Kadalasan, kapag may okasyon lamang nagkakaroon ng paghihigpit at kapag naÂtapos na okasyon, balik na muli sa kaluwagan. Hindi dapat pakitang-tao ang ginagawang paghihigpit.
- Latest