Pagliko ng Katolisismo sa south wala nang awat
TAMA ang hula ng mga Vatican watchers. Ang susunod na Pope, anila, ay hindi Italyano o Uropeo. Nitong nakaraang dalawang dekada, mas mabilis lumaganap ang Katolisismo sa southern hemisphere -- Latin America, Africa-Middle East, at Asia-Oceania. Bilang pagkilala nito, humirang ang 115 cardinal electors ng Papa mula sa Argentina.
Si Jorge Mario Bergoglio -- ngayo’y Pope Francis I -- ang kauna-unahang Papa mula sa Latin America, at unang hindi Uropeo sa nakaraang 1,500 taon. Bagamat Italyano ang ama, isinilang, lumaki, at nagsilbi siya sa Argentina.
Kauna-unahan din si Francis na Papa na Hesuwito. Maaalalang ang Society of Jesus ay nagsulong ng Liberation Theology sa southern hemisphere nu’ng dekada-60 at -70. Itinuro si Kristo sa paghihirap ng masa, at ang pagpapabagsak ng mga malupit na oligarkiya.
Sa pagpili ng pangalang Francis, tatahakin ng bagong Papa ang landas ng dalawang santo. Taglay niya ang pangalan ni Francis of Assisi, na tinalikuran ang minanang yaman para sa kawang-gawa. Gayundin, ang kay Francis Xavier, nobleman na isa sa unang pitong Hesuwitong misÂyonaryo na nagkalat ng Kristiyanismo sa India at Indonesia.
Halos 700 milyon, o 58% ng 1.2 bilyon Katoliko sa mundo, ang nasa southern hemisphere. Napansin nina Popes John Paul II at Benedict XVI ang trend, kaya mas maraming taga-roon ang hinirang nilang cardinals. Miski mayorya pa rin nang 74 ang cardinal electors mula sa Europe-North America, kaysa 41 na taga-southern hemisphere, pumili pa rin sila ng huli.
Maasahang ipagpapatuloy ni Pope Francis ang pagbaling ng pansin sa south ng pamunuan ng Simbahang Katoliko.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest