Paglaya ng nabilanggong OFW sa Kuwait
NAPAGKUWENTUHAN namin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang matagal nang ipinupursigeng paglaya ng OFW na si Joseph Urbiztondo na nakakulong sa Kuwait Central Jail.
Si Urbiztondo, 41, ng Bacoor, Cavite ay 16 na taon nang nakakulong dahil sa pagpatay umano sa isang Bangladeshi national noong July 1996 bagama’t iginigiit niya na wala siyang kinalaman sa kaso at na-frame-up lang. Hinatulan siya ng 25 taong pagkabilanggo,
Sa patuloy na mga apela ni Urbiztondo at tulong ng iba’t ibang grupo, na-qualified siya sa ilalim ng Kuwaiti law sa Amiri pardon basta makakuha ng tanazul (letter of forgiveness) mula sa pamilya ng biktima, na handa naman umanong ibigay ito kapalit ng “blood money†na 6,000 dinars.
Hindi kaya ng pamilya ni Urbiztondo na makapagba-yad ng ganoong halaga at hindi rin nakagawa ng paraan ang Philippine government. Nagsagawa ng fund drive ang iba’t ibang grupo at indibidwal sa Kuwait hanggang ma-raise nila ang halaga.
Ayon sa lider ng Filipino community sa Kuwait na si Dr. Chie Umandap, ang matagumpay na fund-raising ay pinangunahan ng Alliance of Filipino Organizations in Kuwait (ALLFIL-OK), Filipino Badminton Committee, Filipino Cultural Club, Filipino Association of Secretaries of Employment Agencies in Kuwait, Philippine Society of Marketing Specialists in Kuwait, Mga Oragon sa Kuwait, Fitness Professionals in Kuwait, Friends in Kuwait, Kuwait Filipino Mothers Organization, Pilipino sa Kuwait at Catholic Church. Sinabi ni Dr. Umandap na sa awa ng Diyos, posibleng makapiling na ng kanyang pamilya si Urbiztondo ngayong taon.
- Latest
- Trending