Alcala vs. Talaga
MALAKI ang hinala ng mga taga Lucena na si dating mayor Ramon Talaga ang may pakana sa kasong kinakaharap ni dating Agriculture secretary Proceso Alcala sa Ombudsman. Ito’y upang muling ibangon ang nakalugmok na political carrier, ayon ‘yan sa ipinarating sa akin mga suki. Ito palang si Talaga ay nahaharap sa patung-patong na kaso ng katiwalian sa Ombudsman mula pa noong mayor pa ito ng Lucena City. Kinumpirma ito ng kababayan ko sa Lucena na may apat na kasong kinakaharap si Talaga sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Protices Act na may case number SB-CRM-0208; SB10CRM0142; 27738 at SB-11CRM-0204. Ang unang kaso na isinampa ay noong Agosto 22, 2002; ang pangalawa ay noong Setyembre 17, 2010; ang pangatlo ay noong June 8, 2011 at ang pinakahuli ay noong Agosto 24, 2012.
Malinaw ito sa mga suki ko riyan sa Lucena na sinamantala ni Talaga ang kanyang puwesto. At upang maiba-ling ang kanyang kabulukan, kamakailan ay kinasuhan ni Talaga sa Ombudsman si Alcala ng umano’y hindi tamang paggasta ng halos P3.5 milyong halaga ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong si Alcala ay miyembro pa ng Kongreso. Wala kasing masilip na dahilan si Talaga na maipukol sa pagbangon ng Lucena City sa pamamalakad ni Mayor Roderick Alcala. At ngayon nga na muling isinulong ni Mayor Alcala ang pagtakbo sa puwesto ay gumagawa na ito ng maitim na propaganda upang sirain ang pamilyang Alcala. Lumalabas tuloy na pinupulitika lamang ni Talaga ang kasong isinampa sa Ombudsman kay dating secretary Alcala kahit na ang naturang usapin ay noon pang 2008. Gasgas na usapin na iyon di ba mga suki!
Ngunit kung ang mga taga-Lucena ang tatanungin, tiyak na mas pabor sila sa pamamalakad ni Mayor Alcala sa kasalukuyan, itoy matapos na maiba-ngon sa kahirapan ang mga taga Lucena. Nabawasan ang paglaganap ng droga at krimen mula nang manungkulan si Alcala ayon sa aking mga nakausap. Noong panahon daw kasi ni Talaga, malala at talamak ang droga sa naturang lungsod kung kaya maging ang mga pari ay lumiham sa akin upang ibulalas ang kanilang problema. At ngayon sa muling pagtakbo ni Talaga sa darating na May 13 election, malakas ang hinala ng aking mga kausap na pakana lamang nito ang dirty tactics upang maibaling sa kanya ang boto. Kaya ang maipapayo ko sa inyo diyan sa Lucena, pag-aralan ninyong maigi ang mga nakaraan at ang kasalukuyang programa ng inyong iluluklok na mayor upang umangat naman ang inyong pamumuhay.
Get n’yo mga suki!
- Latest