Panahon ng takot at pangamba
SUNUD-SUNOD ang pagsalakay ng mga kriminal ngayon! Dalawang insidente ng barilan ang naganap noong Miyerkules sa dalawang Robinson’s Mall, pero ang pinagkaiba nito ay lumaban na ang mga guwardiya. Ang isang insidente ay naganap sa bagong Robinson’s Magnolia kung saan nakipagbarilan ang guwardiya ng mall sa grupo na nagnanakaw ng mga reserbang gulong sa mga pribadong sasakyan. Ang isa naman ay sa RoÂbinson’s Place Ermita naganap, kung saan binaril ng isang guwardiya ang isang sasakyan na nagtangkang sagasaan siya. Lahat ito ilang araw lamang matapos ang nakawan-barilan sa SM Megamall.
Nababahala na rin daw si President Aquino sa dumaÂdaming insidente ng krimen, sa kabila ng Comelec gun ban at paglalagay ng mga checkpoint sa ilang bahagi ng siyudad. Parang sinusubukan ang administrasyong ito, kung may magagawa sa pagdami ng insidente ng krimen. Ang problema, ang ordinaryong mamamayan ang nalaÂlagay sa peligro! Kailan lang din ay isang negosyante ang pinagbabaril sa San Juan, matapos mag-withdraw nang malaking halaga ng pera.
Nagpulung-pulong ang mga opisyal ng PNP at si DILG Sec. Mar Roxas para pag-usapan ang mga maaaring hakbang para sugpuin ang krimen. Pero paano kung ang mismong mga pulis ang sangkot sa krimen. Ilang pulis mismo ang lumabag sa gun ban. Wala pang linaw kung ano ang talagang nangyari sa Atimonan, Quezon at sa Batangas. Hindi ko naman nilalahat, pero ganito ang imahe ng PNP sa karaniwang mamamayan ngayon.
Ano nga ang magagawa ng pamahalaan at ng PNP sa patuloy na pagtaas ng insidente ng krimen, lalo na kung aminado na sila’y kulang sa tauhan? May panukala kung saan lahat ng negosyo o tindahan ay kailangang may nakakabit na CCTV, kung hindi ay hindi bibigyan ng lisensiya. Pwede, pero parang pinasa na lang ang solusyon sa negosyante. Ano rin ang tulong ng CCTV kung tila hindi na rin takot ang kriminal makita ang kanyang mukha? Baka lalo pang mapahamak ang mamamayan. Tunay nga, na tayo’y namumuhay na sa takot at pangamba, kung saan wala pang malinaw na solusyon!
- Latest




















