^

PSN Opinyon

“Killer stoplight”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

LABAS na mata, biyak ang ulo… putol na paang mga litid na lang ang nakalaylay. Subukin mong iguhit ito sa iyong isip, kundi ka manlumo!

Mabangga ka ng rumaragasang trak sa ‘highway’ malamang ganito nga ang aabutin mo. Isang himala kung sa tindi ng pinsala, gigising ka paring may pulso o magulungan ka na parang isang pipit na pusang naglabasan ang bituka at halos dumikit na ang balat sa aspalto.

Nagsadya sa amin si Violet Mandido o “Violy”. Ikinwento niya ang sinapit ng apat na gwardiya ng Genghis Khan Security Agency, kabilang ang pamangkin, matapos sapulin ng trak sa kahabaan ng Tandang Sora, Quezon City…alas dose ng hating gabi... ika-25 ng Agosto 2012.

“Ang isang angkas, patay matapos magdugo ang utak (cerebral hemorrhage). Ang pamangkin ko naman halos mabali lahat ng buto sa katawan,” wika ni Violy.

Ang pamangking tinutukoy ni Violy ay si Jogie Mancao mas kilala sa tawag na “Joy”, 31 anyos. Tubong Davao del Sur si Joy. Taong 1998, lumuwas sila ng kapatid na si Gena sa Taytay, Rizal sa bahay ng tiyahin.

Mag-isa sa buhay si Violy, sa edad na 51 anyos wala pa siyang pamilya.

“Hindi ko na naisip mag-asawa dahil ako ang nagsusustento sa 81 anyos kong ina at bunso kong kapatid na may polyo sa probinsya,” kwento nito.

Dalaga’t binata pa lang ang dalawang pamangkin, kasama na sila ni Violy kaya’t anak na ang turing nito sa kanila. Hanggang sa magkapamilya na ang mga ito, si Violy na rin ang nag-alaga sa mga apo.

Ganito katindi ang pagmamahal ni Violy sa magkapatid. Kaya naman halos himatayin siya isang gabi ng malamang nabangga ng isang ‘Isuzu dump truck’ na may plakang RHA 836 ang Honda single motor ni Joy.

Taong 2000 pa sekyu si Joy. Nang makaipon, bumili siya ng hulugang motor para mas makatipid sa pamasahe.

Nitong huli, pinagbantay siya sa Robinsons, Cainta mula 9:00 ng umaga hangang 9:00 ng gabi. Ang timano 6:15AM pa lang hinahatid na ni Joy ang kapatid sa trabaho nito sa Libis saka didiretso sa Robinsons.

Buwan ng Agosto 2012, nagkaroon ng paliga para sa mga gwardiyang hawak ng ahensya ni Joy na Ghenghis. Pagka-‘out’ ni Joy, pupunta siya sa opisina ng Genghis sa Tandang Sora, lulan ng kanyang motor.

Ika-25 ng Agosto, petsa ng tournament… pagkatapos ng laro, sabay na umuwi si Joy angkas ang sekyung si Winston Factoleran at ang nakamotor ring si Eduardo Alunsagay Jr., angkas si Richard Balicao—mga parehong taga Rizal.

Kwento ni Joy sa tiyahin, habang binabaybay niya at iba pang gwardiya ang kahabaan ng Tandang Sora, pagdating sa ‘stoplight’ sa ‘overpass’ (intersection), saktong naka-berde ito kaya’t tuloy-tuloy silang nagpaandar ng mga motor.

Nagulat ang lahat ng bigla na lang humabol ang dump truck na may kargang mga simento, gayung naka-‘red’ na ang stoplight. Sumapol ito sa kanila.

Sa bilis ng trak naabutan ang dalawang motor. Nakaiwas si Eduardo kaya’t galos lang sa braso ang kanyang tinamo subalit ang angkas naman niyang si Richard ang nahagip at napuruhan.

Rumesponde ang mga National Capital Region Police Office, QCPD-Vehicle Traffic Investigation Unit (Traffic Sector 5), Commonwealth Avenue. Isinugod, sina Joy sa East Avenue Medical Center.

Bali ang kanang braso, kanang binti at  hita ni Joy. Maging kanang binti ng angkas niyang si Winston bali rin at kinailangang lagyan ng bakal.

Tanging si Eduardo lang ang hindi nagtamo ng matinding mga sugat.

 Ang angkas na si Richard isang linggo lang ang tinagal sa ospital. Binawian ito ng buhay matapos magkaroon ng komplikasyon dahil sa pamamaga ng utak.

Base sa mga impormasyong nakalap ni Violy, aminado umano ang drayber ng trak na nakilalang si Mauricio Ferol y De Vera na hindi niya nagawang huminto pag-pula ng stoplight.

“Nalito daw siya… hindi na siya nakapagpreno. Madulas daw ang daan dahil kauulan lang ng panahon yun,” pahayag ni Violy.

Ilang araw na-detain sa QCPD-Vehicle Traffic Investigation Unit ang drayber. Sa pag-iimbestiga ng pulis nalaman nilang nakarehistro ang trak sa isang nagngangalang Reynaldo Carmona ng Montalban Rizal.

Nanatili sa ospital si Winston sa loob ng isang buwan matapos sumailalim sa operasyon at therapy. Habang kasalukuyan pa ring nasa East Avenue si Joy.

Naisampa ang kaso ang mga biktima ng Reckless Imprudence resulting in Homicide and Multiple Physical Injuries with Damage to Property sa Prosecutor’s Office ng Quezon City. Kasalukuyang dinidinig ang kasong ito sa Metropolitan Trial Court of Metro Manila, Branch 39.

Habang sumasailalim sa mga therapy itong si Joy, kwento ni Violy bumisita sa ospital ang asawa ng may-ari ng trak na si Haydee.  Maliban sa pag-abot daw nito ng 500, 700, 1000 at 2000 piso, wala na daw ibang natulong ang may-ari.

Ni minsan hindi rin daw nagpakita si Reynaldo sa kanila. Umabot na sa kalahating milyon ang utang nila sa ospital at tanging ang ahensya lang ni Joy ang tumulong sa kanila na nahinto na rin, ayon kay Violy.

Nagkaisa ang iba pang biktima na habulin si Reynaldo para sa kasong sibil. Nang mabalitaan nila ito, humarap sa kanila si Haydee at inalok umano sila ng Php135,000 kapalit ang ‘di pagdemanda.  Ang Php135,000 na ito ay sakop ng insurance ng trak. Bagay na hindi naman sinang ayunan nila Violy.

“Matigas na sinabi ng drayber na magpapakulong na lang siya! Dapat lang pero paano makakalabas ng ospital si Joy?” pahayag ni Violy.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00AM-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa kasong tulad nito, ang kapabayaan ng isang drayber kapag hindi kayang panagutan, maaring habulin ang may-ari ng sasakyang sangkot sa insidente. Dito pumapasok ang tinatawag na Quasi-Delict, ibig sabihin hindi man ang may-ari nakabangga, maari siyang habulin ng biktima para sa kasong sibil. May pananagutan  siya kapag ang drayber ay ‘di nakabayad. Maliban pa sa ‘criminal case’ na sinampa nila sa drayber maari rin silang magsampa ng kasong sibil.

Para sa lubusang tulong kina Violy, inirefer namin siya kay Atty. Gemma Dee, Head of Legal Review-Philippines ng ODIN Legal Intelligence para matulungan sila sa pagsampa ng kaukulang kaso. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166(Aicel)/ 09198972854 (Monique) / 09213784392 (Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig.

***SA puntong ito, nais kong pasalamatan ang mga taga Health Protect Clinic na si Errieka Resma, Staff Nurse at Dr. Trixie G. Duzon, ang kanilang Clinical Manager sa pagtulong sa akin kahapon ng magpacheck-up ako. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit dumarami ang miyembro ng Health Protect Clinic dahil magaganda ang inyong nurses sa pangunguna ni Errieka.  Maraming salamat po.

 

Follow us on twitter: Email: [email protected]

 

ISANG

JOY

LANG

LSQUO

SIYA

TANDANG SORA

VIOLY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with