Nakulong dahil sa 2 misis (Unang Bahagi)
KUNG ang lalaki ay naging Muslim at nagpakasal ng dalawang beses, hindi ba siya makakasuhan ng bigamy dahil sa kanyang relihiyon? Ito ang isyung sasagutin sa kaso ni Nilo.
Noong Abril 6, 1999, nagpakasal si Nilo kay Susie na nakilala niya sa Saudi habang nagtatrabaho ang babae bilang komadrona sa isang Naval Base Hospital. Nagpakasal sila sa isang simbahang Kristiyano dito sa San Jose, Del Monte, Bulacan. Sa kasamiyento ng kanilang kasal ay nakasulat na isang “Catholic Pentecostal” si Nilo. Matapos ang kasal ay bumalik muli sa Saudi Arabia ang mag-asawa at nagpatuloy sa pagtatrabaho si Susie doon bilang nurse. Pero hindi nagtagal bumalik na si Nilo sa Pilipinas.
Dito sa Pilipinas ay nagkataon na nakilala muli ni Nilo ang dati niyang kababata at kapitbahay, si Rina. Natuloy sa matamis na pag-iibigan ang kanilang muling pagkikita hanggang sa magpakasal ang dalawa noong Disyembre 8, 2001 sa Max Restaurant sa Quezon Avenue, Quezon City. Sa kanilang kasamiyento ng kasal, isinulat ni Nilo na isa siyang Katoliko at siya ay “single” o binata pa. Matapos ang kanilang kasal ay saka pa lang nalaman ni Rina na isa na palang Muslim ang mister magmula pa noong 1992 kaya pagkatapos ay muli silang nagpakasal alinsunod sa ritwal ng mga Muslim.
Habang nagtatrabaho sa ospital sa Saudi ay nakarating kay Susie ang tsismis tungkol sa pagkakaroon ng ibang misis ni Nilo. Dahil sa pagkabagabag ng loob at sa nerbiyos ay umalis ng Saudi si Susie at nagbalik Pinas. Dito na nakumpirma ni Susie ang pagkakaroon ng pangalawang asawa ni Nilo bandang Nobyembre 2003 nang kumuha siya ng sertipikasyon mula sa National Statistics Office (NSO). Lumabas sa record doon ang petsa at lugar ng dalawang kasal ni Nilo.
Diumano ay hinarap ni Susie si Rina at umamin daw ang huli na alam niya ang tungkol sa unang kasal ni Nilo pero sa kabila nito ay pinakasalan pa rin ang lalaki. Nagsampa ng kasong bigamy si Susie sa Prosecutor’s Office ng Quezon City. Matapos ang paunang pagdinig ay nirekomenda ng piskal ang pagsasampa ng kaukulang impormasyon laban kay Nilo at Rina sa regional trial court (RTC) noong Agosto 24, 2004 sa paglabag ng Art. 349 ng Revised Penal Code o bigamy.
Sa depensang kanyang ginawa, inamin ni Nilo na dalawa ang naging kasal niya sa dalawang magkaibang babae. Pero ayon sa kanya ay naging Muslim na siya noon pang Enero 10, 1992 bago pa man siya magpakasal kay Susie. Di-umano, dahil sa pagiging Muslim ay maaari siyang magpakasal at magkaroon ng hanggang apat na asawa dahil pinapayagan ito sa relihiyong Islam. Upang patunayan ang kanyang pagiging Muslim ay nagsumite siya ng isang Certificate of Conversion pero ang petsa ng dokumento ay Agosto 2004 lamang ang petsa kung kailan naisampa na ni Susie ang kaso ng bigamy.
(Itutuloy)
- Latest