Constipation: Mga pagkaing lunas
PARA makaiwas sa pagtitibi o constipation, subukan ang mga sumusunod na payo: Uminom ng 8 hanggang 10 basong tubig bawat araw. Igalaw-galaw ang iyong katawan. Sanayin ang sarili na dumumi sa takdang oras.
Malaking tulong ang mga prutas at gulay para lumambot ang dumi. Kumain ng mga prutas tulad ng papaya, pakwan at peras. Kumain din ng iba’t ibang gulay na mataas sa fiber. Heto ang puwede niyong subukan:
1. Berdeng gulay tulad ng kangkong, spinach, pechay, malunggay at talbos ng kamote. Mataas ang gulay sa fiber na makatutulong sa pagiging regular ng pagdumi. Ang spinach ay may sangkap na magnesium na nagpapabilis ng galaw ng bituka para makarumi.
2. Okra – Sa mga gulay, kakaiba ang epekto ng okra para mapalambot ang dumi. Ang okra ay may malapot na likido na nagpapadulas sa pagdaan ng dumi. Ang balat ng okra ay mataas sa fiber na nagbibigay ng anyo (o porma) sa dumi. Dahil dito, mas bibilis ang paggalaw ng dumi. Piliin lamang ang okra na wala pang 4 na pulgada (4 inches) para malambot pa ito kainin.
3. Oatmeal – Puwede kang kumain ng isang tasang oatmeal sa umaga. May sangkap itong beta-glucan (isang soluble fiber) na nagtatanggal ng kolesterol sa ating katawan at makatutulong din sa pagdumi.
4. Yogurt – Ang yogurt ay may taglay na mabuting bacteria (good bacteria) na may benepisyo sa ating tiyan at bituka.
5. Tubig – Napakahalaga ang pag-inom ng sapat na tubig para sa mga nagtitibi. Ang mga pagkaing mataas sa fiber, tulad ng gulay, prutas at oatmeal, ay kailangang humalo muna sa tubig para maging malambot ang dumi. Subukang uminom ng 8 hanggang 10 basong tubig o likido sa maghapon. Kapag kulang ka sa tubig, siguradong titigas ang iyong dumi.
May iba pang pagkaing mataas sa fiber tulad ng brown rice. Pero kung hindi ka sanay sa pagkain nito ay baka magtae ka naman. Dahan-dahanin lang muna ang pagkain nito para masanay ang iyong tiyan. Sana ay makatulong itong mga payo para malunasan ang iyong pagtitibi. Good luck.
- Latest