Malungkot na Pasko
LUMAYAS na ang bagyong Pablo. Mas malinaw na ang danyos, at hinagpis na iniwan ng nasabing bagyo na pinaka-malakas sa taong ito. Pinuntahan ko ang aking paboritong weather website at nakita kong napakahina na ng bagyong Pablo na patungo na ng Vietnam. Napakasuwerte naman nila at dito sa atin naglabas ng lakas ang bagyo. Pagdating sa kanila, halos masamang panahon na lang!
Matindi ang iniwang pinsala ni Pablo. May mga lugar sa Davao Oriental na halos binura sa mapa, dahil sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa. Nilibing sa putik at basura ang ilang lugar. Ang huling bilang ng patay ay nasa 418, habang daan-daan pa ang nawawala! Ayaw kong manisi sa panahong ito, marami pa rin ang ayaw makinig sa mga otoridad kapag sinabihan na lumikas na sila dahil sa peligro mula sa pagbaha at pagguho ng lupa. Ngayon, sinisimulan na ang nakakapangi-labot na trabaho ng paghuhukay sa mga nilibing sa putik, at paghanap na rin sa mga nawawala.
Bukod sa mga buhay na binawi ng bagyong Pablo, sinira rin nito ang libu-libong ektarya ng tanim, partikular ang saging. Bilyon ang nawala mula sa paghagupit ng bagyo sa mga malalaking taniman at hindi pa alam ng mga magsasaka kung paano mababawi ito. Marami pang ibang tanim na apektado, pero ang saging ang pinaka-masama ang tama. Si President Aquino mismo ang nagsabi na malungkot ang Pasko para sa marami sa Mindanao. Marami pa naman ang tuwang-tuwa sa Mindanao dahil sa kasunduan ng gobyerno at ng MILF. Kapayapaan at pagganda ng ekonomiya ang masayang tinanggap nila, pero ito naman ang nangyari sa Mindanao na parang binura lamang lahat ng kasiyahan na iyan!
Disyembre rin nang nakaraang taon tumama ang bagyong Sendong, at sa Mindanao rin naglabas ng galit. Kung noon ay ang Bicol ang madalas daanan ng bagyo, tila lumipat na sa Mindanao. Dasal ko lang na sana makabangon muli ang mga taga-Mindanao, at maganda naman ang hinaharap na kinabukasan dahil sa kapayapaan na dulot ng kasunduan sa pagitan ng gibyerno at MILF. At sana naman, makinig na ang mga residente sa mga payo ng opisyal kapag sinabing may paparating na malakas na bagyo. Mapapalitan ang bahay, mga tanim at ari-arian. Ang buhay, hindi na nababawi kapag nawala na!
- Latest