‘Murder or Self-defense(?)’ Huling Bahagi
Mga sugat na pinagbaunan at pinagtagusan ng bala, ito ang magsisilbing kumpas na magbibigay direksyon. Kapag pinagdugtong-dugtong at sinundan ang takbo nito, makakakuha ka ng imahe kung paano humigit kumulang naganap ang krimen. Samahan mo pa ng testimonya mula sa isang testigo na nakakita ng pangyayari (may palulutangin daw sila?), matibay na tatayo ito sa korte.
Idinulog sa amin ni Noel “Ram” Orate, Jr., anak ng napaslang na si Noel Orate, Sr. ang pagbaba ng kaso sa “Homicide” mula sa naunang rekomendasyon na “Murder” ng National Bureau of Investigation, laban sa suspek na si dating BOKAL Romeo Allan Robes—manugang ni dating Congresswoman ng ika-4 na Distrito Nanette Daza, at asawa ni Konsehal Jessica Robes ng Quezon City.
Kamakailan nilabas namin ang kwento ng naganap na pamamaril sa loob ng bahay ng dating kongresista sa Quezon City nung Pebrero 10, 2012.
Kinukwestyon ng mga Orate ang anggulo ng ‘self defense’ na depensa ng mga Daza kaya’t siniyasat namin ang kasong ito.
Sa layon na magkaroon ng kumpletong pag-alam, itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 ang aming panayam sa officer-in-charge ng Medico Legal Division ng PNP Crime Laboratory sa Camp Crame Q.C. na si Police Inspector Joseph Palmero, MD., ukol sa mga tinamong mga sugat ni Noel Sr.
Kaagapay sa naging talakayan ang mga de kalibreng mga abogado na sina Atty. Felizberto Verrano at Atty. Gemma Dee ng Integrated Bar of the Philippines, upang pakinggan ang suriin ang mga impormasyon.
Ayon sa pahayag ng mga Daza, nanggugulo raw si Noel nung sandaling iyon dahil nakainom at tinatakot ang buong kabahayan ng mga Daza.
“Dito na matatapos to! Headline tayo bukas!,” wika umano ni Noel.
Ayon kay Robes, wala siyang ibang magagawa kung ‘di ipaglaban ang kaligtasan ng pamilya niya at ipagtanggol ang sarili (‘self-defense’).
Kelan ba katanggap-tanggap ang depensang ito? Ayon sa Revised Penal Code, kailangang “may marahas na panggugulo”(“Unlawful Aggression”). Ikalawa,“kinailangang pigilan sa tamang paraan ang nanggugulo” (“Reasonable Necessity of the means employed”) at panghuli, “may pananalita na nakapagtulak para siya’y umatake o gumanti sa unang ginawa”(“sufficient provocation”).
Kung mapapatunayan ang “hostage taking”, may mga batayan para masabing may ‘self-defense’, subalit kailangan pa itong ihayag sa isang malawakang paglilitis.
Sinabi mula sa Spot Report ng SOCO na negatibo sa ‘fingerprints’ ang baril ni Noel at ito’y nakasuksok sa beywang (naka-‘safety’ ang gatilyo) nang eksaminin nila ang bangkay. Ang labing pitong bala ng baril ni Noel ay kumpleto sa gun magazine,palatandaan na ‘di ito nagpaputok. Negatibo rin siya sa ‘parafin test’, ibig sabihin walang ‘powder burns’ ang kanyang mga braso o kamay.
Sa tulong ni Dr. Palmero sa panayam sa radyo sinuri namin ang nilalaman ng resulta sa Medico Legal Examination na isinagawa ng medico-legal officer na si Police Chief Insp. Shane Lore A. Detabali. Ayon dito, anim na tama ng bala ang natamo ni Noel. Walang nakitang “defense wound” sa mga palad o braso. Lahat ng kanyang sugat ay puro tama ng baril lamang.
“Lima ang pumasok sa kanyang katawan na lahat ay nasa “fatal area” o delikadong parte, at isang ‘graze wound’(daplis lamang) ”, ulat ni Dr. Palmero. Ang unang tatlong tama sa dibdib (Gunshots No. 1, 2 at 3) ni Noel ay walang ‘sunog’, na ayon kay Dr. Palmero ay may indikasyon na posibleng isa hanggang tatlong hakbang ang layo ng bumaril.
May mga nakitang “sunog sa balat”(“tatooing at smudging”) sa huling dalawang magkalapit na tama (“Gunshots No. 4 at 5”) na nasa kaliwang tagiliran sa ilalim ng kili-kili na tumagos sa baga patungong puso ang bala. Ayon kay Dr. Palmero, may indikasyon na “malapitan ang pagbaril” at “dikit sa balat” ang nguso ng baril (‘nozzle’) nung iputok ito. Iniulat na ang direksyon ng mga bala ay “papuntang likod(“directed posteriorwards”).
Ano ang pwedeng ipinahahayag ng resultang ito kaugnay sa ‘self-defense’? Ayon sa mga Daza kinailangang mapigil (“maime”) si Noel, ngunit bakit ang baril niya’y nakasukbit pa rin sa kanyang shorts? Bakit umabot sa limang tama sa mga delikadong parte ang kanyang natamo? Kung malapitang pagbaril, pwedeng dambahin ni Orate si Robes. Kung nagpambuno at naagaw ang baril ni Orate bakit hindi yun ang ginamit na pambaril sa kanya?
Tahasan kong tinanong si Dr. Palmero na sa mahabang panahon na ginugol niya sa pagiging medico-legal-officer, nakakita na ba siya na ‘self-defense’ ang sinasabi ng taong bumaril, ngunit limang beses niyang pinaputukan?
“Ngayon lamang po, kadalasan isang beses lang,” deretsong sagot ni Dr. Palmero. Posible bang hindi alam ni Orate na siya’y babarilin? Posible bang iniilag niya ang kanyang braso kaya’t nalantad ang bahagi ng kilikili niya kaya’t dun siya tinamaan? Para matamaan dun, ano ang posisyon niya bago at habang pinuputok ang baril? Nakataas ba ang kanyang mga kamay na parang sumusuko nung barilin siya sa bandang kilikili? Nakahandusay ba ang kanyang katawan at ang dalawang mga kamay ay nakataas lampas ulo na naghihingalo? Niluhuran ba siya ni Robes at dinikit ang baril at pinutukan ng dalawang beses sa bahaging yon? Nagtatanong lang kami mga kaibagan. Nagsampa ang kanilang abogadong si Atty. Eduardo Bringas ng “Motion to Defer Arraignment” habang nakabinbin ang “Petition for Review” sa Dept. of Justice (DOJ). Nung Setyembre 18, binasahan ng demanda sa korte ang akusado sa sala ni Judge Luis Zenon Maceren para sa kasong “Homicide”, bagay na kinabahala ng mga Orate. Agad silang nagsampa ng “Petition for Change of Venue” upang mailipat sa ibang lugar ang pagdinig ng para maiwasan umano ang malakas na impluwensya, ayon kay Noel, na meron ang pamilya Daza sa Quezon City.
Wala namang iregular sa ginawa ng hukom na itinuloy ang kaso kay Robes subalit may tinatawag na ‘judicial courtesy’, gayong may petisyon pang nakabinbin na dapat resolbahin. Bakit nagmamadali si judge? Nakapiyansa naman ang suspek at wala sa kulungan? Para sa akin, kung sa palagay nila Ram, may kinikilingan ang huwes at hindi sila makakakuha ng patas na paglilitis sa hukuman niya, maari silang magsampa ng “Motion to Inhibit”. Wala namang masama rito dahil ito’y isang “legal remedy” na nakapaloob sa “Bill of Rights” sa ating konstitusyon. Sinubukan naming makipag-ugnayan sa abogado ng mga Daza na si Atty. Alfredo Villamor upang malaman ang kanilang panig subalit hinihintay pa rin namin ang kanilang sagot. Bukas kami sa sandali nilang naisin. (KINALAP NI PAULINE VENTURA) Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest