PWDs at senior citizens sa panahon ng election
MILYONG kababayang PWDs (persons with disabilities) at senior citizens ang aktibong makababahagi sa lokal at national elections kapag naisabatas na ang Senate Bill 3287 (Electoral Processes Accessibility Act). Ito ang inihayag ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, principal author ng panukala.
Tinatayang may 9-milyong PWDs at 6.5 milyong senior citizens pero kaunti lang sa kanila ang nakikibahagi sa electoral processes. Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), lumabas na umunti ang PWDs na bumoto noong 2010 kaysa noong 2007. Labimpitong porsiyento ng survey respondents ang nagsabing hindi sila bumoto dahil nahihiya sila sa kanilang kalagayan, 17% din ang nagsabing nahihirapan silang magtungo sa presintong botohan at 10% ang nagsabing walang tutulong sa kanilang mag-fill-up ng balota.
Layon ng SB 3287 na gawing fully-accessible sa PWDs at senior citizens ang pagpaparehistro, pagkandidato, pangangampanya, voter education, at pagboto sa pamamagitan ng: Pagtatakda ng special polling places para sa kanila; Pagtulong sa kanila ng sign language interpreters, Braille translators at iba pang expert service personnel; pagsailalim sa sensitivity training ng mga taong nangangasiwa ng electoral duties; at updated record ng PWDs at SCs upang maging basehan ng pagpapatupad ng pamahalaan ng kaukulang programa at polisiya para sa kanila.
* * *
Pinupuri ko ang “enrollment to employment program” ni Cagayan 2nd District Rep. Baby Aline Vargas-Alfonso. Ang programa ay tumutulong sa pagbibigay ng trabaho sa mga residente roon laluna sa mga graduate ng TESDA.
Birthday greetings: Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz at Talibon Bishop Christian Noel (Nob. 17); at Isabela 3rd District Rep. Napoleon Dy, Guimaras Rep. Joaquin Carlos Nava at San Narciso, Quezon Mayor Eleanor Uy (Nob. 19).
- Latest