Editoryal - Meron pa ring mga corrupt
PITO sa 10 negosyante ang naniniwalang kumonti o nabawasan ang corruption sa pamumuno ni President Noynoy Aquino. Ito ay ayon sa surbey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Hulyo 16 hanggang Setyembre 16, 2012. Sa survey, sinasabi na 71 percent sa 826 business executives ay nagsabing less corrupt sa Aquino administration kumpara sa nakaraang administrasyon. Pero ang ganitong resulta ng survey ay hindi pa rin gaanong nakapagbibigay ng sigla sapagkat meron pa ring nalalabing mga corrupt. Ibig sabihin, hindi pa lubos na nawawala ang corruption sa mga tanggapan ng pamahalaan at meron pa ring sumisira sa gustong tahakin ng bansa patungo sa “daang matuwid”.
Isa sa mga tanggapan ng pamahalaan na nana-natiling masama ang imahe dahil sa talamak na corruption ay ang Bureau of Customs (BOC). Sa SWS survey, lumalabas na -45 ang rating ng Customs ngayong 2012. Noong 2009, nasa -69 ang rating ng Customs. Bahagya lang makausad ang Customs para masabing nabawasan ang katiwalian.
Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay mataas ang inangat ng rating ngayong 2012. Naging -18 mula sa masamang rating na -57 noong 2009. Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay umangat din ang rating. Ngayong 2012, naging -23 kumpara sa masamang -65 noong 2011.
Ang Customs, BIR at DPWH ay mga nangunguna sa mga tanggapan ng pamahalaan na talamak ang corruption. Kapag nabanggit ang tatlong tanggapan, ang unang nasasaisip ay ang katiwalian. Noon pa, marami nang opisyal at empleado ng tatlong tanggapan ang sinasabing “naninilaw”. Hindi dahil sa sila ay maysakit sa atay kundi dahil marami silang alahas na mamahalin sa katawan.
Ngayong ang Customs na lamang ang natitirang corrupt na tanggapan, maaari ngang maramdaman na less corrupt na ang pamahalaan ngayon. At kung ang Customs na lamang ang problema, siguro naman maaari nang makagawa ang pamahalaan kung paano lubusang madudurog ang mga kawatan dito. Alisin ang mga sagabal sa “daang matuwid”.
- Latest
- Trending