^

PSN Opinyon

'Isa...Dalawa...Tatlo, Takbo!'

- Tony Calvento - The Philippine Star

MERON MGA MALALAKAS ang loob na iinom sa isang KTV bar na wala naman pera at ang balak ay mag-one, two, three… o isa-isang pupuslit sa club na hindi bayad ang mga ininom at pinulutan.

Kapag nahuli ‘estafa’ ang kaso nito at siguradong may bugbog pa mula sa mga ‘bouncer’ ng club para magtanda at babala na hindi pwede dito sa amin yan.

Ganito kaya ang nangyari sa kasong ito o may mas malalim na dahilan? Hindi malaman dahil hindi naman iniimbestigahan ng mga pulis sa lugar na yun?

Tatlong araw na hinahanap ang isang lalaki na si Cesario Macalinao o mas kilala sa tawag na “Intoy” 28-anyos.

Lumuwas pa mula sa Capoocan Leyte ang ama nito na si Cesario Macalinao Sr.

Pinatay ang kanyang anak ng mga suspek na kilala niya sa alyas na “Ojel”, “Cocoy” at “Itim”. Mga kumpare daw ito ng kanyang anak.

Nangyari ito sa Brgy. Magdiwang Villa Esperanza Molino 2 Bacoor Cavite. Sa harapan mismo ng barangay hall natagpuan ang bangkay ni Intoy.

Waray ang wika nila Cesar kaya sinamahan siya ng kanyang manugang na si “Rod Martinez”. Mabait daw si Intoy at pala kaibigan. Dati itong gwardiya.

Ika- 21 ng Agosto 2012, kagigising pa lang ni Rod nang marinig niya ang maingay na kwentuhan ng mga kapitbahay. Nakausap niya si Mang Bitoy, ‘caretaker’ ng barangay. Meron daw pinatay na bumulagta mismo sa pintuan ng barangay.

Binalewala lang ito ni Rod. Tanghali ay nagpunta ang kinakasama ni Intoy na si “Aleli” sa bahay nila Rod. Hindi daw kasi umuwi ang mister mula pa daw nung gabi.

Nagtaka siya dahil ito daw ang unang beses na hindi umuwi si Intoy. Hinanap nila si Intoy subalit hindi natagpuan.

Isang araw hinatid ni Rod ang anak sa eskwela. Nakakwentuhan niya si “Mang Jo” taga-gawa ng ‘appliances’ sa kanilang lugar. Dahil maugong pa rin ang tsismisan tungkol sa lalaking pinatay sa kanilang lugar ay napag-kwentuhan nila ito.

Naibahagi ni Mang Jo ang sinabi daw sa kanya ng isang GRO na nagtatrabaho sa ‘beer house’. Nakita daw ng babae na nagtalo daw ang mga lalaki dahil sa bayarin. Umabot ang bill sa halagang Php200.

Pagdating daw ng singilan ay pare-pareho palang mga walang pera ang mga ito. Nagkagulo hanggang sa sinaksak. Naiwan pa nga daw ang tsinelas ng biktima.

Parang biglang may bumulong kay Rod. Napaisip siya na tignan ang sinasabi ni Mang Jo. Naalala niya ang kanyang nawawalang bayaw.

Sinamahan si Rod ni Mang Jo sa tapat ng Hanalyn Beer House. Kinuha nito ang tsinelas na nasa may gilid lang ng kalsada. Pag-abot kay Rod napasigaw siya. “Ay sus! Tsinelas ito ni bayaw.. siya ang pinatay?”.

Umiiyak na tumakbo si Rod upang ibalita sa kanyang asawa na si “Gigi” na kapatid ni Intoy. Nagkasalubong sila at pinakita niya ang tsinelas. Halos mabaliw si Gigi nang makita ito. Dumiretso agad sila sa Barangay at nagtanong kung saan dinala ang bangkay. Nasa Misena Funeral daw kaya nagmadali silang pumunta doon.

Sinabi sa kanila na meron ngang namatay at pinapasilip sa kanila kung kamag-anak ba nila iyon. Tatlong araw na kasi subalit walang kumukuha ng katawan.

Binuksan nila ang puting kumot. Dahan-dahan niya itong iniangat. Tumambad kay Rod ang noo at buhok ni Intoy. Napahagulgol sila ni Gigi.

Wala naman daw silang kilala na kaaway ni Intoy, Ang natatandaan lang daw ni Aleli ay ang mga huling kasama ni Intoy nung gabi bago siya nawala.

Alas 9:00 ng gabi ng ika- 20 ng Agosto nagpaalam daw si Intoy na bibili ng sigarilyo sa tindahan. Niyaya daw ito ng tatlong lalaki na sina “Ojel”, “Cocoy” at “Itim” na pawang kapitbahay nila.

Ayaw daw pumayag ni Aleli ngunit nakiusap daw ang tatlo at sinabing, “Sandali lang kami, magpapasama lang at may kukunin. Babalik din kami agad”.

Umalis si Intoy na nakapambahay lang. Walang dala kundi ang cellphone. Yun na ang huling beses na nakita niya ang kanyang mister. Nagtanong si Aleli sa mga bahay ng mga suspek ngunit wala din ang mga ito.

Sa ngayon ay tumakas na daw ang mga lalaking sina Ojel”, “Cocoy” at “Itim”.

Nang malaman lahat ito ni Cesar Sr. ay nagtanong siya sa Hanalyn Beer House. Nakausap daw niya ang isang GRO. Nagpakwento siya dito. Matatandaan daw ng babae ang mga mukha ng mga lalaking nag-away ng gabing yun.

Napahiya daw ang isa, paglabas nakita nito na tinutukan ng balisong ang isang lalaki at nagmamakaawa, “Cocoy, wag mo ko patayin. May mga anak ako. Maawa kayo sa akin. Cellphone ko na nga ang pinambayad eh”.

Nagkagulo na. Nakita daw ng GRO na sinaksak si Intoy. Nanakbo ito at hinabol. Yun na ang huli niyang alam. Nakarating sa barangay hall si Intoy at napasalubsob sa harapan. Walang tao sa barangay hanggang doon na binawian ng buhay si Intoy.

Walo daw ang saksak ni Intoy. Base sa kopya ng ‘police report’ na nakuha namin mula sa Philippine National Police (PNP) Cavite Police Provincial Office Bacoor City Police Station.

Bandang alas 4:45 ng umaga noong ika- 21 ng Agosto, 2012, nakita ni Brgy. Ex- O Bert Lacaba ng Molino 2 Bacoor ang isang lalaki na nakabulagta sa harapan ng barangay. Rumesponde agad si Police Officer 3 Jerome Rosales Ubaldo II at nakita niya ang bangkay na naliligo sa sarili nitong dugo. Ang biktima daw ay nasa edad 30-anyos, 5”3 ang taas, katamtaman ang katawan at nakasuot ng puting t-shirt at maong. Sa ngayon ay iniimbestigahan na ito ni Cavite PNPCL P/Sr.INSP Ferdinand Perilla Jr.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 – 4:00 ng hapon) ang problema ng pamilya Macalinao.

Bilang tulong kami’y nakipag-ugnayan sa tanggapan ni Mayor Strike Revilla.

Personal na nakapanayam namin si Mayor Strike nang imbitahin namin siya sa aming programa sa radyo nung Biyernes lamang. Nangako si Mayor Strike na personal niyang uutusan ang mga pulis na huwag tigilan ang imbestigasyon.

Maraming maaring pagsimulan ang paglutas sa kasong ito. Kausapin ang mga tao sa beer-house, hanapin ang mga kasama nitong si Intoy na nagpulasan na (maaring dahil sa takot).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, unang tanong, ‘bakit walang tao sa barangay hall? Hindi maaring mangyari yan sa tabi lamang ng inyong tanggapan na walang nakarinig. Hindi rin malinaw kung si Intoy ay pinatay sa ibang lugar at itinapon na lamang dun. Ito ay masasagot ng mga miyembro ng SOCO na nagpunta dun para mag-imbestiga kung dun nga pinatay ang biktima, itinapon na lamang dun, o ang biktima ay tumakbo papunta sa barangay hall para humingi ng tulong at doon bumuwal na lamang. 

Umaasa ang pamilya Macalinao na malaki ang maitutulong ni batang alkalde ng Bacoor na si Mayor Strike upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Intoy.(KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

BARANGAY

DAW

INTOY

MANG JO

NIYA

ROD

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with