EDITORYAL - Alisin, party-list kuno ng mga mahihirap
HINDI na nagbibiro ang Commission on Elections (Comelec) sa bantang hindi na makakabilang sa 2012 elections ang mga party-list group na hindi naman talaga nagre-represent sa marginalized sectors o yung mga mahihirap sa lipunan. Ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes, maraming party-list representative ang milyonaryo. Paano raw naging kinatawan ng marginalized sector ang katulad nilang milyonaryo? Kalokohan na umano ang nangyayaring ito.
Isa sa party-list group na maaaring hindi na mapabilang sa 2012 elections ay ang Ang Galing Pinoy (AGP) na ang representative ay si Juan Miguel Arroyo, panganay na anak ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo. Ang AGP ay kumakatawan umano sa mga security guards. Maraming nagtataka kung paano naging kinatawan ng mga sekyu ang anak ni Mrs. Arroyo gayung hindi naman ito sekyu at sa katunayan ay napapaligiran ito ng bodyguards.
Ang AGP ay isa lamang sa 127 party-list group na hindi maipaliwanag o ma-justify ang kanilang accreditation sa Comelec. Ayon kay Brillantes, may karapatan silang alisin kahit ang mga accredited nang party-list kung makikitaan nila ang mga ito na hindi sumusunod sa requirements.
Mabuti naman at binubusisi ng Comelec ang mga party-list group kahit nakalahok na sa election. Kung mabubusisi nang ayos maaaring magkaroon na ng tunay na kinatawan ang mga maliliit sa lipunan. Dito na magsisimula ang pagbabago at maaaring makamtan ng mga nasa marginalized sectors ang tunay na kahulugan kung bakit mayroong party-list groups. Pagkalipas nang maraming taon mula nang unang magkaroon ng representante sa House ang maliliit ngayon lang nila ito madarama.
Ang party-list representatives ay halos kasingpantay din ng elected members ng House. Mayroon siyang kaparehong karapatan, suweldo, pork barrel at iba pa na walang ipinagkaiba sa mga mambabatas. Magsisilbi ang party-list representative sa loob ng three consecutive terms.
Marami sa mga botante ang walang nalalaman sa party-list. Ano ba ito? Talaga bang nairerepresenta nila ang kanilang mga miyembro? O sila lang ang nakikinabang at kapag nasa puwesto na ay walang gagawin kundi magpalamig sa kanilang malamig na opisina. Kung mapagtagumpayan ng Comelec ang pag-aalis sa mga “pekeng” party-list, maibabalik ang tiwala sa kanila ng taumbayan.
- Latest
- Trending