^

PSN Opinyon

'Patayin sa Sindak si Lola'

- Tony Calvento - The Philippine Star

Sa mundo ng baliw na sila lamang ang nakakaintindi sa isa’t isa, ikaw lamang ang hindi katulad nila.

Sa kanilang mga mata, ikaw ang may deperensya.

Nasubukan mo na bang pasukin ang kanilang pag-iisip? Baka magulat ka sa pwede mong makita..

Sapilitang binuksan ng 89 na taong gulang na si Lola Serafia “Apie” Datinguinoo ang kwarto ng kanyang apo na si Roselle Datinguinoo, 32 na taong gulang—isang ‘solo singer’ sa mga restaurant—sa kanilang bahay sa Concepcion, Marikina City noong Pebrero 3, 2011.

Natagpuan niyang kumikinig sa takot si Roselle habang nakasalampak at yakap ang sarili sa isang sulok. Hiyaw ito nang hiyaw habang tila may tinataboy malapit sa kanya. Butil-butil ang pawis nito sa mukha habang nakatanghod sa iisang dereksyon. Nanlilisik ang mata nito.

“’Wag kang lalapit! P#$%ngina ka! ‘Wag kang lalapit!,” ito umano ang narinig niyang hinihiyaw nito kaya siya naalarma.

Pagbukas ng pinto, agad nilapitan ni Apie si Roselle, “Apo! Ano ba’ng nangyayari sa’yo!?,” lugaming-lugaming itinanong ni Apie.

“Lola paalisin mo yang lalaki na yan!!,” sabi ni Roselle. Lumingap-lingap si Lola Apie ngunit wala naman silang ibang kasama.

 “Ano’ng lalaki? Walang lalaki.. ako lang ito!,” paniniguro ni Apie.

 “Paalisin mo yang lalaking may sungay! Kanina pa nakatitig sa akin! Kukunin niya ko!,” mangiyak-ngiyak at nagtitiim ang bagang na sinabi ni Roselle.

Biglang naghahampas sa hangin si Roselle na animo’y may pinapalis “P#$%ngina ka! Demonyo! Hindi ako sasama sa’yo! Lumayas ka!”

Niyakap ni Apie si Roselle na parang pinatatahan katulad ng ginagawa niya nung bata pa ito. “Apo ano ba! Walang demonyo! Ang lola ito, kumalma ka!”

Biglang tinulak ni Roselle ang matanda na ikinatumba nito sa sahig. “Bakit ayaw mong maniwala!? Kumakampi ka na sa kanya!? Kakampi ka ‘nya ano!?,” gigil na gigil na sinabi ni Roselle. Tumakbo ito palabas ng kwarto habang nagsisisigaw.

Sa puntong ito, nag-umpisang mag-alala si Apie. Lalong tumindi ang pakiramdam niya nang may makitang parang tawas na buo na dinudurog umano ni Roselle gamit ang isang pamukpok. Nagkalat ang ilang ‘foil’ at lighter sa kama nito.

Napagtibay ang hinala niya nang tanungin niya isang beses ang siyam na taong gulang na anak ni Roselle na si “Louie”(‘di tunay na pangalan) kung saan nito sinamahan ang ina.

Nalaman niyang may pinupuntahan si Roselle na tao na pinagbibilihan umano ng ipinagbabawal na gamot at isinama pa si Louie.

Hindi makompronta ng matanda si Roselle. Balisa itong palakad-lakad sa kanilang bahay. Walang pagitan ang tuluy-tuloy na pagsisigarilyo daw nito habang tingin nang tingin sa may kisame.

Sa halip na ipakita ang pangangamba, malumanay niya itong tinanong, “Apo may problema ka ba?”

“Naiinis ako eh,” sabay hitit ng malalim sa kanyang sigarilyo at deretsong nakatingin sa kisame ng bahay.

“Bakit? Ano ba’ng kinaiinis mo?,” tanong ni Apie.

“Yung maliliit na tao sa kisame ayaw magsi-alis naiirita ako!,” yamot na tugon ni Roselle.

Sinakyan na lamang ni Apie ito at sinabing maya-maya rin ay mawawala din ang ‘maliliit na tao’ sa kanilang kisame.

Hindi lamang umano ganito ang mga ‘delusyon’ o kahibangang nararanasan ni Roselle. Hatinggabi nang magising si Apie, nakita niyang nakaupo lang si Roselle sa kanilang sala. Tinanong niya ito kung bakit hindi pa ito natutulog.

“Ang init ng kama Lola. Di ako makatulog! May tao yata sa loob ng kutson!,” buryong-buryong na sinabi ni Roselle.

Kinabukasan, paggising ni Apie sa umaga, kanta na naman nang kanta si Roselle sa loob ng kanyang kwarto.

Hindi matantya ng matanda ang isip ni Roselle. May punto naman na masayahin ito at minsan pa nga ay pininturahan nito ang buong dingding ng kanyang kwarto. Iba-iba umano ang wisyo ni Roselle.

Pebrero 20, 2012.

Alas-6 ng hapon habang patagilid na nakahiga paharap sa tele­bisyon ng kanyang kwarto ang matanda, tinapik niya si Louie. “Ipasok mo na sa bahay yung bisikleta mo sa labas at baka mamaya may kumuha.”

Abalang nakapanood ang bata sa T.V. at ayaw agad sumunod.

Tinapik-tapik niya ulit si Louie at inapura, “Apo, sige na isilong mo na yung bisikleta mo. Maulit ka naman! Pag may kumuha nun sige..”

At saka pa lamang sumunod ang bata. Ilang segundo lang ang pagitan, biglang may naramdamang malakas na sapok sa mukha ang matanda!

Lumingon siya agad. Pagtingin niya, walang ibang tao sa paligid! Bumaling siya sa dati niyang posisyon ng pagkakahiga nang nagtataka. 

Pagkaraan ng dalawang minuto, may narinig siyang kaluskos at inisip niyang nakabalik na si Louie.

Pagpihit niya, may nasagi siyang matalim na bagay. May biglang tulo sa kanyang suot na duster! Napahiyaw si Lola Apie! “Dugooo!”

May narinig siyang garalgal at nanggagalaiting boses.

“Pasalamat ka! Dugo pa lang yan! ‘wag kang magkakamali dahil baka makapatay ako ng tao sa loob ng bahay na ito!”

Nangilabot ang matanda sa narinig! Paglingon niya, kay Roselle nanggaling ang tinig. Palakad-lakad ito habang hawak ang kutsilyo.

Halos isang oras na takot na takot na nag-abang si Apie sa susunod na gagawin ni Roselle at nung makatiyempo, tumakas siya kasama ni Louie.

Sa kasalukuyan, dahil sa banta sa kanilang seguridad tumutuloy sa bahay ng pamangkin ang mag-lola. Limang buwan na sila doon kaya’t hangad ni Apie na makabalik na sa sarili niyang bahay. Hindi buo sa kanyang isip kung sasampahan ng kasong Frustrated Murder si Roselle o ang ipasok ito sa ‘rehabilitation center’.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) itong kwento ni Lola Apie.

DITO SA AMIN SA CALVENTO FILES, isang napakahirap na pagsubok sa isang pamilya na ang isa sa kanila ay alipin ng droga.

Lumalabas sa medical certificate ni Roselle na siya’y positibong gumagamit. Kaya’t ang kanyang pag-iisip ay naapektuhan at umabot pa sa pananakit sa kanyang lola na nag-alaga sa kanya simula pagkabata.

Higit sa lahat, hindi nararapat na nakikita ni “Louie” ang ganitong gawain ng kanyang ina. Mas kailangang maipasok sa isang Rehabilitation Center si Roselle.

Bilang tulong, ini-reffer namin sila kay Chief Supt. Samuel Pagdilao ng CIDG o Criminal Investigation and Detection Grp. upang matulungan silang makabalik sa kanilang bahay, at gayundin para sapilitang madala sa rehabilitation center si Roselle. (KINALAP NI PAULINE F. VENTURA)

Sa gustong dumulog, ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]

APIE

APO

KANYANG

LOLA APIE

NIYA

ROSELLE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with