^

PSN Opinyon

Technical diving at iba pang pagkukulang natin

K KA LANG? - Korina Sanchez - The Philippine Star

NGAYONG nakita na ang katawan ni DILG Sec. Jesse Robredo, dapat bigyan ng parangal ang technical divers na sumisid at nakatagpo sa Piper Seneca. Ang “technical diving” ay iba sa “recreational diving”, kung saan mas malalim ang naaabot ng divers. Si Matt Reed, taga-UK ay may-ari ng isang dive resort sa Cebu. Siya, kasama ang dalawa pang maninisid ang nakakita sa eroplano. Mas kumplikado ang “technical diving” dahil sa dami ng mga tangke na dala ng maninisid. Iba’t ibang gas ang laman ng tangke, kung saan tinitimpla ng diver ang kanyang hinihinga depende sa lalim at tagal niyang nakalubog sa tubig. Sa madaling salita, kailangan may malawak na pagsasanay bago maging sertipikadong technical diver.

Mabuti na lang at nagtayo sa Cebu ng kanyang dive resort si Matt Reed, kasosyo ang taga-Ireland na si David Joyce. Iba nga naman ang mga lugar na puwedeng sumisid sa Pilipinas, kaya tuluyan na siyang nanirahan na sa bansa at nagtayo ng negosyo. Napakagandang halimbawa kung saan nakatulong ang mga sibilyan sa militar, sa gobyerno. Pero nakita na naman ang pagkukulang ng ating Philippine Navy, at ang grupo nina Matt Reed pa ang nakahanap sa eroplano. May iba pang nasa pribadong sektor ang nakatulong din sa search at retrieval kay Robredo. Kung lagi sanang ganito, marami ang magagawa ng Pilipino!

Alam naman ni President Aquino kung ano ang mga kulang pa ng Philippine Navy at Coast Guard, pagdating sa paghahanap at pagsasagip ng mga tao sa karagatan. Siya mismo ang namuno sa operasyon sa paghanap kina Robredo at sa dalawang piloto. Dapat lang ay mapaganda ang kagamitan at pagsasanay ng ating Navy at Coast Guard, dahil hindi naman sa lahat ng oras at panahon ay matatawagan si Matt Reed at iba pang sibilyan para tumulong. Napapaligiran ng karagatan ang Pilipinas kaya tama lang na maganda ang kakayanan ng Navy at Coast Guard sa paghanap at pagsagip sa mga nangangaila-ngan. Hindi lang mga barko ang dapat baguhin, kundi mga kagamitang pansisid na rin. At tanging si President Aquino lamang ang makakapagpatupad nito. Kung hindi niya magagawa sa kanyang administrasyon, wala na namang mangyayari sa ating navy at coast guard!

CEBU

COAST GUARD

DAVID JOYCE

JESSE ROBREDO

MATT REED

PHILIPPINE NAVY

PILIPINAS

PIPER SENECA

PRESIDENT AQUINO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with