Mapa nagpapatunay na mali ang Tsina
MERONG natagpuang mapa ng Tsina nu’ng 1904 na nag-papatunay na hindi nito pag-aari ang Spratlys at Paracels. Ang bahagi lang ng South China Sea na pag-aari ng higanteng bansa, ayon sa mapa, ay Taiwan, ang orihinal na probinsiya ng Formosa. Natagpuan ang mapa ng Vietnamese science-history researcher na Dr. Phan Van Hoang.
Hindi makasagot ang gobyerno ng Tsina sa inilahad ni Dr. Hoang. Kasi pinabubulaanan ng mapa ang “nine-dash line” map na pang-angkin ng Tsina sa buong South China (East Vietnam, West Philippine) Sea. Samantala, maraming intelektuwal sa Tsina ang kumukuwestiyon ngayon sa kanilang gobyerno kung meron ba talaga silang batayan sa territorial claim. Itinuturo kasi sa elementarya na sa kanila ang buong karagatan, maski hindi malinaw ang batayan. At nambu-bully ang gobyerno nila, sa pamamagitan ng lakas militar at ekonomiya, para busalan ang mga umaangal na kapit-bansa.
Sa pag-aangkin ng Tsina sa karagatan, niyuyurakan ng Tsina ang maliliit na bansa: Pilipinas, Vietnam, Malaysia, at Brunei.
Hindi lang ang apat na bansa sa ASEAN ang inaagawan ng Tsina ng teritoryong dagat. Pinapasok din ng mga mangingisdang Tsino, na ine-escort ng mga barko ng gobyerno, ang karagatan ng Korea, Japan, at Russia. Hanggang sa Palau, na lampas na ng Pilipinas at nasa Dagat Pasipiko, ay ginagawang pangisdaan ng Tsina, kaya binabaril doon ang mga mangingisda nila.
Land power ang Tsina, na nakidigma sa India, Indochina, Russia, Korea, at Mongolia. Ni minsan sa kasaysayan ay hindi ito naging maritime power. Nu’ng sinaunang panahon, umaasa lang sila sa mga Malay, ninuno natin, para makapaglakbay sa dagat.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending