Problema sa baha solusyunan muna
Isa ako sa sumusuporta sa kontrobersyal na RH bill dahil may kinalaman ito sa pagkontrol sa mabilis na paglobo ng populasyon na nakababansot sa ekonomiya. Kahit tutol dito ang simbahang Katoliko Romano, kabilang ako sa mga sumusuporta rito dahil alam kong makabubuti sa pag-unlad ng bansa.
Pero sana, sana lang, bukod sa population control, pagtuunang pansin din ang ating programa sa flood control na sa tingin ko’y napapabayaan. Nakita natin ang kapabayaang iyan sa mga nakalipas na taon bunga ng mga nagaganap na pagbaha na sa tingin ko’y palubha nang palubha ang epekto.
Taun-taon na lang, maraming buhay ang nakikitil bukod pa sa malaking halaga ng pinsala ang idinudulot ng lumulubhang pagbaha.
Teenager pa ako, sa tuwing manonood ako ng sine ay may binabayaran ako sa takilya na halaga para sa gobyerno. Para daw sa flood control program. Hangga ngayon umiiral iyan hindi lamang sa mga sinehan kundi sa mga public entertainment gaya ng concerts at iba pa. Ang tawag dito’y amusement tax.
Kaya sa harap ng taunang mala-delubyong pagbaha sa bansa, nagtatanong ang taumbayan: Nasaan na ang flood control program?
Sobra na ang panggigigil ng inang kalikasan. Kung dumaranas tayo ng mga kalamidad noon pang unang panahon, mahigit pa marahil sa sampung patong ang pagsahol ng mga kalamidad ngayon. Ang dinaranas na-ting pag-ulan ngayon ay bunga lang ng habagat at wala pang bagyo pero ang epekto ay sintindi ng sampung malalakas na bagyo. Wala iyan nung araw.
Kailangan ding linisin ang mga estero sa mga tinatawag na informal settlers. Kapag dumarating ang kalamidad at napinsala sila, gobyerno pa ang may kasalanan! Dapat bigyan ng mas ligtas na paglilikasan ang mga kababayan nating ito. Marahil mahirap gawin dahil dapat noon pa inunti-unting simulan. Ngayon ay masyadong dambuhala na ang problema.
Hindi puwede sa pro-blemang ito ang bandaid solution. Kailangan ang political will at determinasyon para lutasin ang problema.
- Latest
- Trending