Kahit sa guwardiyadong subdibisyon, di-ligtas!
PINAGBABARIL ng mga magnanakaw sa loob ng isang eksklusibong subdivision sa Calamba City, Laguna noong Sabado ng gabi ang beteranong reporter at columnist ng Pilipino Star NGAYON at Pang-Masa newspaper na si Nixon Kua. Nasa kritikal na kondisyon ngayon sa Calamba hospital si Nixon dahil sa tama ng bala sa mukha at katawan. Sugatan din ang kanyang kapatid na si Alixon nang barilin sa kaliwang braso nang sumaklolo sa kapatid. Binaril umano si Nixon nang tumanggi itong ibigay ang clutchbag na naglalaman ng P90,000 na pangsuweldo sa mga trabahador na nagla-landscaping ng kanilang tahanan.
Malalakas ang loob ng mga holdaper at kabisado ang lugar dahil matapos malugmok ang magkapatid, inagaw pa ang dalang cake ng katulong bago nagtungo sa madamong bahagi ng subdivision. Malakas ang hinala ni Laguna Police chief Sr. Supt. Gilbert Cruz na inside job ang pangyayari kung kaya dapat ipatawag ang lahat ng guwardya ng Greenfields Subdivision na pag-aari ng AyalaLand sa Makiling Highlands, Bgy. Maunong, Calamba City at ang mga trabahador ng Kua family.
Sa nangyari, ligtas pa ba tayo kahit sa eksklusibong subdivision na may mga guwardiya? Kulang ang mga pulis sa kapaligiran kaya nakalulusot ang mga holdaper. Kung sabagay maraming subdivision ngayon na pag-aari ng mga dambuhalang korporasyon ang hindi basta napapasok ng mga pulis, dahil super higpit ng mga guwardya. Ang masakit, hindi naman nila kayang pangalagaan ang residente. Panahon na upang baguhin ang sistemang ito ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome. Kasi nga mara-ming eksklusibong subdivision ang pinamumugaran na rin ng mga drug lord at criminals na dapat tutukan ng PNP.
Ang pangyayari kay Nixon ay malaking dagok na naman sa PNP kaya nararapat lamang na mahuli ang mga salarin. Kilala ko si Nixon. Bukod sa dating reporter ng Philippine Star, naging hepe siya ng Philippine Tourism Authority (PTA) sa panahon ni dating President Joseph Estrada. Hindi matatawaran ang pambabatikos ni Nixon sa kanyang mga kolum sa mga tiwaling opisyales ng pamahalaan kaya hindi ko naisasantabi na maaaring ginantihan siya ng mga binatikos at naibulgar. Umaasa ako na agarang malulutas ng PNP ang pagbaril kay Nixon. Hiling ko mga suki, ipagdasal natin si Nixon at tumulong tayo para maituro ang mga salarin. Abangan!
- Latest
- Trending