Timpalak ng araw at ulan
Nakapagtataka sa bagong tahanan
mainit ang araw ay biglang umulan;
Nang aking tanawin buong kalangitan
wala namang ulap – asul ang namasdan!
At dahil sa lugar ako’y bagung-bago
naisip ko agad na yao’y milagro;
O baka may alien sakay ng UFO–
nagsaboy ng tubig binasa ang mundo!
At naisip ko rin regalo ang tubig
sa isang tulad kong lumipat sa Taguig;
Iyon ay bendisyon na buhat sa langit
dahil ang magsimba’y wala na sa isip!
At naisip ko rin dahil sa naiba
nalipatang lugar iba rin ang klima;
Kaya ang sarili’y medyo inihanda
na baka lilindol o babagyo kaya!
Lahat nang posibleng maganap sa mundo
kabilang sa haka-haka magdelubyo;
Salamat sa Diyos at walang totoo
sa lahat ng baka’ng nasok sa utak ko
Paano’y ngayon lang nangyari sa akin
na nagbagong anyo ang ulang dumating;
Sa nilisang pook walang ganyang lagim
na sa aking puso’y tumawag ng pansin!
Huminto ang ulan lalo pang umaraw
kaya ang paligid nagkulay luntian;
Ang mga pangambang sa diwa’y bumukal
nawala nang lahat at naligayahan!
At sana’y huwag nang mangyari sa akin –
naging obserbasyong subyang sa damdamin;
Marapat siguro dapat kong isipin
bahala ang Diyos ako’y payapain!
Dahil nagtimpalak ang araw at ulan
ito’y nagpakitang sila’y kailangan;
Kung sila ay wala sa sangkalawakan
tiyak wala na rin ang tao’t halaman!
- Latest
- Trending