3-M batang Pilipino peligro sa trabaho
MAHIGIT tatlong milyon sa 29 milyong batang Pilipino, edad-5 hanggang 17, ay nagtatrabaho na. At hindi ito basta trabaho na pambakasyon lang, kundi pangmatagalan -- at peligroso pa sa kanilang katawan at kalusugan. Ito ang napag-alaman ng International Labor Organization tungkol sa kalagayan ng paggawa sa Pilipinas.
Dalawang milyon sa tatlong milyong nagtatrabahong bata ay naka-enroll sa public schools. Kahit papaano, may natututunan silang basic skills: pagbasa, pagsulat, pagbilang. At nakakapaglaro at nakakasalamuha nila ang kapwa-bata. Mas kawawa ang isang milyon na bata na, bagama’t libre ang public kindergarten, elementary at high school, ay hindi ine-enroll ng magulang. Sa halip, inaalipin sila.
Makikita sila sa lungsod at nayon. Pinatutulong sila ng magulang sa pagmamaso sa talyer, pagtutulak ng kariton ng junk shop, pagpipinta at paggugupit ng produkto, paghahalungkat ng basura, o pagko-caller sa jeepney stop. Nagsisilbi rin silang alalay sa pagmimina, pagsasa-ka, pangingisda, pangangaso, o paglalaba’t plantsa.
Sinasabing nanganganib ang kanilang katawan dahil wala silang mga wastong kagamitan sa trabaho: goggles, guwantes, overalls, boots, nose mask, life vest, atbp. Dahil sa puyat, pagod at kapabayaan, nagiging sakitin sila, mapurol ang utak, malungkutin, at sira ang ngipin, mata, tenga, baga at mahahalagang organs.
Ginagalugad ng Department of Labor and Employment ang 609 pinaka-mahirap na bayan para hanapin, tulungan at puksain ang mala-aliping kalagayan ng mga bata. Dapat turuan ang mga magulang nila, na mali ang ginagawang pagpapalaki ng anak. Pero sa mga talamak na nagpa-pahamak at nagpapabaya ng anak, bilanggo ang dapat.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending