'Remittance Center'
MAAKSYONG entrapment operation ang mapapanood sa BITAG mamayang gabi sa TV 5.
Noong nakaraang Biyernes, naging paksa ng BITAG ang General Manager mula sa Veterans Golf Club na isinumbong ng kanyang mga empleyado dahil sa kamanyakan nito.
Agad na sinibak sa puwesto si Retired C/Supt. Patrick Madayag matapos malaman ng Department of National Defense, ang ahensiyang humahawak dito, ang mga ginagawa niya hindi lamang sa kaniyang mga empleyado ngunit maging sa mga aplikante ng naturang golf course.
Isang linggo matapos nito, isang malaking isda na naman ang nahulog sa aming BITAG.
Lumapit sa tanggapan ng BITAG si Liza para idulog ang kaanomalyahang nagaganap sa negosyong kaniyang pinasukan. Kuwento ni Liza, nag-franchise siya ng Remittance Center, ang Global Pinoy Remittance and Services o GPRS.
Sa halagang umaabot ng P1.7 hanggang P3.7 milyon, ang ibinibigay ng mga naga-apply bilang fran-chisee ng negosyo. Pero imbis na kumita, samu’t saring problema ang naidulot sa kaniya ng pakikipag-ugnayan sa negosyong ito.
Dahil wala pang isang linggo mula nang sila ay magbukas at magsimula ng negosyo, sunod-sunod na reklamo na mula sa kanilang mga kliyente ang nakara-ting sa kanila. Ang siste, ang mga ibinabayad sa kanila ng kanilang mga kustomer para sa mga bills nila sa kuryente, tubig, telepono at iba pa ay hindi talaga naihuhulog sa kani-kaniyang account.
Lehitimo man sa Securities and Exchange Commission at Business Permit and Liscencing Office ng Quezon City, ang bogus na Marketing Strategy at pinangangalandakang serbisyo, bistado na ng BITAG!
Agad na nakipag-ugnayan ang BITAG sa Criminal Investigation and Detection Group para sa isasagawang entrapment operation.
Abangan sa BITAG ang reaksiyon ng mga namumuno sa GPRS sa surpresang pag-dalaw ng mga operatiba. Mamayang gabi na sa TV 5.
- Latest
- Trending