Pekeng anak
BIYUDO si Don Juan. Mayroon siyang malaking has-yenda na binubuo ng malalawak na sakahan. Isa sa mga atsay sa bahay niya ay si Rosario na may isang anak, si Girlie, na nakatira rin sa mansion. Doon na ipinanganak at lumaki sa mansion ni Don Juan si Girlie. Sa tagal ng panahon na naging biyudo si Don Juan at dala na rin siguro ng kalungkutan sa buhay ay naisipan niyang gawing kerida si Rosario. Pero pinakasalan din niya ito. Ilang buwan makaraang pakasalan si Rosario ay namatay si Don Juan. Kaya legal na siyang asawa ni Don Juan bago mamatay.
Siyempre pa, si Rosario ang namahala sa ari-arian ng namayapang asawa. Siyam na taong gulang si Girlie noon. Nang 16-na taong gulang na si Girlie, naisipan niyang maghabol ng mana sa hasyendang iniwan ni Don Juan dahil na rin sa sulsol ng ilang kamag-anak. Siya raw ang nag-iisang anak at dapat ay tagapagmana ni Don Juan, iyon nga lang, bibigyan niya ng kaparte ang ina bilang legal na asawa ng ama. Mula pa raw kasi nang ipa-nganak ay doon na siya pinalaki ng ina sa mansion ni Don Juan kaya sa loob ng siyam na taon, nang nabubuhay pa ang ama ay tinamasa niya ang lahat ng karapatan ng isang anak. Kumuha siya ng mga testigo para magpatunay sa kanyang sinabi pero wala siyang maipakitang anumang dokumento bilang ebidensiya. Ang kanyang birth certificate, kasulatan sa kumpil at mga litrato ay walang taglay na anumang pirma ni Don Juan upang patunayan na kinilala nito si Girlie bilang anak. Wala rin sinulat man lang sa mga binayarang resibo sa eskuwelahan si Don Juan o kaya ay pinirmahan man lang na report card o kahit na anumang sulat ang lalaki sa kanyang mga kamag-anak upang ipakilala si Girlie bilang anak sa kabila ng siyam na taong nagdaan. Talaga nga bang anak sa labas ni Don Juan si Girlie na dapat kilalanin?
HINDI. Hindi sapat ang ebidensiyang isinumite ni Girlie para patunayan na anak siya sa labas ng sinasabing ama.
Wala siyang naipakitang dokumento o kahit anong kasulatan na ginawa ng tatay daw niya para kilalanin siya bilang anak. Hindi uubra ang sinasabi ni Girlie na kusa siyang kinilalang ama kung wala naman siyang hawak na dokumento. Sa ilalim ng batas, hindi puwede na basta ipilit ng isang tao na anak siya ng kung sino. Kaila-ngan niya itong patunayan. Dapat ay may hawak siyang kahit anong dokumento na papabor sa kanya at magpapatunay na anak nga siya ng sinasabing ama. Sa kasong ito, kulang at hindi kapani-paniwala ang kanyang ebidensiya (Leuterio v. Court of Appeals, 197 SCRA 369).
- Latest
- Trending