El trece de Mayo
“EL trece de Mayo la Virgen Maria rezad por nosotros con su alegria. Ave, Ave, Ave Maria”! Ngayon ang kapis-tahan ng pagpapakita ng Mahal na Birhen Maria sa mga kabataan ng Fatima, Portugal. O Maria, ipanalangin mo kami, “ruega por nosotros”.
Nalulugod ang Diyos sa sinumang may takot sa Kanya at gumagawa sa lahat ng kabutihan. Ito ang magandang pahayag ni Pedro nang mapansin niyang para bang sinasamba siya ni Cornelio: “Tumayo kayo, ako’y tao ring tulad ninyo”. Siya ay mensahero ng Diyos Ama sa langit sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Mag-ibigan tayo sapagkat tayo’y anak ng Diyos. Iniibig tayo ng Diyos kaya ipinadala Niya ang kanyang anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
“Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan”. Lagi kong tinatalakay ang tatlong kahulugan sa wikang Tagalog ng salitang love o amor. May nagsasabi na gusto kita. Ang pagka-gusto ay para bang panlasa sa damdamin ng tao. Para bang gusto ko ng mansanas, gusto kong kumain. Ang pagmamahal naman ay katumbas ng isang napakahalagang bagay sa damdamin ng isang tao. Isang presyo o halaga sa damdamin, mahal kita, napakahalaga mo sa akin. Kadalasan ang dalawang damdaming ito ay madaling maglaho. Nawala na ang lasa, hindi na gusto at mura na lamang ang damdamin.
Napaka-dakila ng pag-ibig, kasama nito ang buong buhay ng isang umiibig. Sa isang mag-asawa na buo ang pag-ibig sa isa’t isa ay matatag ang kanilang relasyon na anumang pagsubok ang dumating sa kanila ay sila pa rin hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay. Iniibig kita, kung ating susuriin sa kasalukuyan ay masasabi nating kokonti na ang merong wagas na pag-ibig. Marami nang hiwalay o kaya naman ay palagiang nag-aaway. Sabi ni Hesus: “Ito ang iniuutos ko sa inyo: Mag-ibigan kayo”. Happy Mothers’ Day!
Gawa 10:25-26, 34-35, 44-48; Salmo 17; 1Juan 4:7-10 at Juan 15:9-17
- Latest
- Trending