Kapayapaan at kapatawaran!
NGAYON ay ipinaaalala sa atin ni Hesus na sa Kanyang Muling Pagkabuhay ay natamo natin ang kapayapaan. Muli tayong magkaisa ng damdamin at isipan sa ating mga kapwa Kristiyano upang matamo natin ang tunay na kapayapaan. Sa araw na ito ay patuloy nating ipinagdiriwang ang ating banal na awa sa kapwa. Ang ating kapwa tao ay lubusan nating kasama sa kapa-yapaan na ibinigay ni Hesus, tanda ng Kanyang muling pagkabuhay. Kaya ang pagbibigayan ay ang bunga ng ganap na Kapayapaan.
Magpasalamat tayo sa Panginoon sa kanyang kabutihan, ang pag-ibig Niya ay walang hanggan. Lubusan nating matatamo ang Kapayapaang ito kung wagas ang ating pag-ibig sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga utos. Ang pinaka-masakit na pangyayari sa pagdiriwang ng Banal na Misa ay puro salita tayo nang salita sa pagbati ng Peace be with you. Para bang automatic sa atin ang dada nang dada, pis ng pis na puro sa bibig lamang nanggagaling. Kaya’t sa aking pag-aalay ng Banal na Misa sa Tagalog ay lagi kong sinasabi na ang gamitin ay ang mga salitang sumainyo ang kapayapaan kasabay ang ating pagdadaup-palad sa ating kapwa na nagmumula sa ating puso at hindi sa dila lamang.
Maging si Hesus ay tatlong ulit na bumati ng sumainyo ang kapayapaan. Ang una ay ang biglaang pagpasok Niya sa silid na kanilang pinagtataguan at nakita ng mga alagad na Siya ay muling nabuhay. Ipinakita Niya ang pinagpakuang mga kamay at ang nasugatang tagiliran. Ang ikalawa Niyang pagbati ay ang pagbibigay ng Espiritung Banal sa lahat ng sumusunod sa Kanya.
Matapos ang ika-walong araw ay muli Siyang nagpakita sa harap ng mapag-alinlangang si Tomas kaya’t ibinigay Niya ang pangatlong ulit nang pagbibigay ng kapayapaan. Kaya lubusang nagliwanag ang isipan ni Tomas at nasabi niya: Panginoon ko at Diyos ko!
Gawa 4:32-35; Salmo 118; 1Jn 5:1-6 at Jn 20:19-31
- Latest
- Trending