EDITORYAL - Tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero
DAGSA ang mga pasahero sa bus terminals, airport at sea ports. Kahapon ay pila-pila na ang mga pasahero ng bus sa Araneta Center. Marami ang doon na natulog para makaagap ng upuan. Marami rin ang dagsa sa domestic airport. Karamihan din ay doon na nagpalipas ng magdamag para masigurong makakasakay. Mas marami ang nasa Batangas port. Tuwing Mahal na Araw, tambak ang pasahero sa nasabing port sapagkat dito sumasakay ang mga patungo sa Mindoro Islands, Romblon at iba pang probinsiya sa Southern Tagalog.
Ngayong araw na ito, tiyak na dadagsa pa ang mga pasahero. Ngayon ang huling araw ng pasok sa mga opisina kaya inaasahang madagdagan pa ang mga taong pipila sa bus terminals, airport at seaport. At habang dumadami ang mga tao, dapat namang pag-ibayuhin ng awtoridad ang kanilang pagbabantay para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero. Hindi lamang doblehin, kundi triplehin ang pagbibigay ng seguridad. Kaunting malingat lamang ang mga nagbabantay tiyak na kikilos ang mga masasamang-loob para maghasik ng lagim. Iglap lang at mababalot ng sindak ang mga walang malay na pasahero.
Inspeksiyunin ang lahat ng mga sasakay ng bus para matiyak na walang maipupuslit na anumang pampasabog. Maraming beses nang nagkaroon nang pagsabog sa loob ng bus at marami ang namatay. Iniiwan sa upuan ang bomba. Mga terorista ang nagsagawa ng pambobomba.
Ang mga barko ay naging target na rin ng pambobomba. Nangyari na ito sa Superferry 14 kung saan marami ang namatay. Naipasok ng mga pinaghihinalaang Abu Sayyaf ang bomba. Sumabog ang bomba, isang oras makaraang makaalis sa pier sa Maynila. Nagpakita sa kapabayaan ng mga awtoridad kaya nailusot ang bomba. Hindi naisilbi ang kaukulang seguridad sa mamamayan. Maraming inosente ang namatay.
Tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero. Huwag hayaang makalusot ang mga may masamang balak ngayong Semana Santa.
- Latest
- Trending