Editoryal - Wala na bang magagawa sa pagtaas ng gas?
MAGTATAAS na naman ngayon ang presyo ng petroleum products. Umano’y 80 sentimos ang itataas sa gasoline at 50 sentimos sa diesel. Ang liquefied petroleum gas (LPG) ay P900 na ang 11 kgs. na tangke. Mula nang pumasok ang 2012, bugbog sarado na ang mamamayan sa walang tigil at hindi na makontrol na pagtaas ng petroleum products. Sa kabila nang walang tigil na pagtaas, walang ibang naririnig sa gobyerno kundi ito raw ang dikta ng pandaigdigang pamilihan. Ibig sabihin, wala silang magagawa at tanggapin na lang kung ano ang ididikta ng mga bansang nagmimina ng langis. Parang lumalabas ngayon na ang pamahalaan na lamang ang taga-anunsiyo ng oil price hike.
Matindi na ang epekto nang hindi makontrol na pagtaas ng petroleum products sa panig ng maliliit o nang mga kakarampot ang kinikita. Wala nang maihigpit ang kanilang sinturon. Sakal na sakal na at maaaring bukas o makalawa, hindi na sila makahinga dahil sa kahigpitan ng sitwasyon. Lalawit na ang dila dahil sa matinding hirap.
Kapag hindi pa gumawa nang agarang aksiyon ang pamahalaan sa nangyayaring ito, magkakaroon ng kaguluhan. Tiyak na maraming transport group ang magsasagawa ng tigil pasada. Malawakan na ang gagawing transport strike at paralisado ang mga tanggapan ng gobyerno at mga kompanya. Walang makakapasok na empleado sapagkat walang masakyan. Kahit pa ipakalat ng gobyerno ang military truck para panghakot sa mga tao, ay hindi pa rin makakasapat.
Sa pagtaas ng gasoline at diesel, apektado ang pamasahe. Hihingi ng umento ang mga operator ng jeepney dahil wala nang maiuwing kita sa kanilang pamilya. Napupunta na lang sa krudo.
Tiyak ding tataas ang mga pangunahing bilihin at iba pang pangangailangan. Ngayon pa lang, nagpasabi na ang mga unibersidad at kolehiyo na magtataas sila ng matrikula.
Kabit-kabit na ang reaksiyon at walang ibang kawawa kundi ang maliliit. Hindi na dapat ipawalambahala ng gobyerno ang nangyayaring ito. Guma- wa ng hakbang sa problema. Kung kakaltasan ng VAT ang petroleum products, gawin na ito.
- Latest
- Trending