EDITORYAL - Parusang kamatayan
LAGANAP ang karumal-dumal na krimen sa kasalukuyan. Pati mga batang babae ay ginagahasa at pinapatay. Namamayagpag ang riding-in-tandem na walang awang pumapatay. Walang takot ang mga dayuhang nagbibitbit ng droga papasok sa bansa. Patuloy ang mga terorista sa paghahasik ng lagim. Walang takot ang mga kidnappers at car- jackers kung patayin ang kanilang biktima.
At sa kabila ng mga karumal-dumal na nangyayaring ito sa lipunan sa kasalukuyan, ang House of Representatives ay matigas sa kanilang pasya na huwag buhayin ang death penalty. Noong Martes, hayagang sinabi ni Rep, Sherwin Tugna ng Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) na nagsasayang lamang ng panahon ang mga nagsusulong na buhayin ang parusang kamatayan. Nagkakamali umano ang mga nagnanais i-revive ang death penalty sapagkat hindi ito maaaprubahan. Hindi ang pagbuhay sa death penalty ang sagot sa heinous crimes. Hindi raw mapipigilang pumatay at magnakaw ang mga tao sapagkat laganap ang kahirapan, kasalatan sa edukasyon at corruption sa pamahalaan. Ayon kay Tugna, hindi siya naniniwala na ang parusang kamatayan ang solusyon sa nagaganap na heinous crimes. Dapat daw hanapin ang ugat ng problema kung bakit nagawa ang karumal-dumal na krimen.
Parusang kamatayan laban sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen. Ito ang sinisigaw nang karamihan sa ngayon. Habang sa ibang bansa, katulad sa China ay walang patawad sa mga gumagawa ng karumal-dumal, ang Pilipinas naman ay nananati-ling walang ngipin sa mga criminal. Ang kawalan ng mabigat na parusa ang dahilan kaya maraming dayuhan na miyembro ng drug syndicates ang nagtutungo sa Pilipinas para dito ikalat ang kanilang masamang negosyo. Mula Pebrero hanggang Marso, 12 Africans na ang nahuhuli sa NAIA dahil sa droga. Kung may bitay, tapos na sana ang problema.
Ang kawalan nang mabigat na parusa ang isang dahilan din kung bakit “itinutumba” na lamang ang mga rapist-killer. Kagaya ng dalawang suspect sa panggagahasa at pagpatay sa 7-anyos na batang babae sa Sta. Mesa noong nakaraang linggo. Nang-agaw umano ng baril ang mga suspect kaya binaril ng escort na pulis. Maraming nagsasabi na talagang “itinumba” ang dalawa.
Anuman ang totoo, kung may parusang bitay, baka hindi nangyari ang senaryong “pang-aagaw ng baril”. Dapat ibalik ang bitay.
- Latest
- Trending