Kapabayaan sa sakuna sumira sa ekonomiya
SINISIRA ng kakaibang lagay ng panahon at kalamidad ang ekonomiya. Noong 2011, 3.7% lang ang inilaki ng kalakal, malayo sa target ng gobyerno na 4.5-5.5%. Ani Climate Change Commission head Mary Ann Lucille isa sa mga nakapagpabagal sa ekonomiya ang mga bagyong Pedring at Quiel na tumama sa Central Luzon at Cagayan Valley nu’ng Setyembre, at Ramon sa Central Visayas nu’ng Oktubre. Tinumba ng hangin ang mga pananim, binaha ang mga sakahan at bahayan, at winasak ang landslides ang mga tulay. Bilyun-bilyong pisong aanihin, ari-arian at infrastructures ang nasayang. Hindi pa kabilang ang mga buhay na nasawi at pamilya na nasalanta -- kaya hindi produktibo. Nu’ng 2009 sinalanta ng Ondoy ang Metro Manila at Laguna, at ng Pepeng ang Pangasinan. Nagwakas ang 2011 sa disaster ni Sendong sa Iligan at Cagayan de Oro.
Kung ibibintang sa kalikasan ang kalamidad, animo’y tadhana na ang lahat. Pero hindi gan’un. Kagagawan ng tao ang pagkasira na sanhi ng kalikasan -- dahil sa pag-aabuso at kapabayaan. Ang pagkakalbo ng kagubatan at pagmimina ang nagpapaguho ng mga bangin. Nagbabara ang mga daluyan ng ilog dahil sa quarrying, panning, squatting, at pagtatambak ng basura. Dahil hindi dine-dredge, napupuno ng silt ang mga tabing dagat at tumataas ang lebel ng tubig. Kulang sa paghahanda ang gobyerno sa pagdating ng kalamidad, rescue at evacuation. Lahat ito ay dapat hinarap ng mga pambansa at panlokal na opisyales.
Dapat napaghandaan din ng pamunuan ang iba pang nagpahina sa ekonomiya. Itinuturo na malas ang krisis pang-salapi sa America at Europe, ang lindol-tsunami sa Japan at baha sa Thailand, ang Arab spring. Pero kung pinaspasan lang sana ng gobyerno ang public works, e di sumigla sana ang ekonomiya at marami ang nagkatrabaho.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending