Bakit kailangan may mangyari pang masama?
SAMPUNG libong piso ang sahod ni Paulino Elevado, ang Customs clerk na nagmamaneho ng Porsche Carrera na P9 milyon ang halaga. Noong nakaraang Enero 21, nasagi ng isang Innova ang kanyang Porsche, kaya hinabol niya ang sasakyan. Dalawang estudyante pala ang sakay. May kasama rin si Elevado na negosyante raw. Nang abutan niya ang Innova, binugbog nila ang mga estudyante at plano pang barilin. Nakatakas mga estudyante, pero pinagbabaril ang kanilang sasakyan. Mabuti na lang at nahuli yung dalawang mayayabang. Ngayon, hindi na makita si Paulino Elevado, sa kabila ng mga kasong isasampa sa kanya, kasama na ang frustrated murder.
Siguro naman marami sa Bureau of Customs ang may alam kung paano mabuhay si Elevado. Baka si Commissioner Ruffy Biazon lang ang hindi alam, dahil siya ang bago sa Customs. Hindi raw dinadala yung Porsche sa trabaho. Siyempre! Sampung libo kada buwan, naka-Porsche? Pero sigurado marami pang mga katulad ni Elevado sa Customs. Sigurado iyan. Ang mahirap, kailangan may mangyari pang krimen o insidente na matutuklasan ng media, bago mabuko ang pagkatao ng mga ito at maimbestigahan nang husto, kasama na ang lifestyle check. Sigurado ako na palaging pumuputak si Elevado ng kanyang mga kayamanan sa opisina, pero imbis na itimbre sa mga opisyal na may kababalaghan na ginagawa, kinaiinggitan pa at tinutularan. Kaya maniniwala ako sa mga bulong na kahit ang pinakamababang empleyado diyan sa Customs ay nakakabili ng bahay at sasakyan, bukod sa armado rin! Dapat siguro i-lifestyle check na ang lahat ng empleyado sa Customs, o kaya sibakin na ang mga matagal nang nandyan, kung kayang gawin ni Comm. Biazon. Kung itong si Elevado ay tila hindi napansin ng commissioner. Dahil na rin sa siguradong may malakas na padrino itong si Elevado at kung sino pang may mga tagong-yaman na pinagyayabang naman sa Customs.
Hindi na makita si Elevado. Naging duwag na rin katulad ni Palparan at Ramona Bautista. Mga duwag na ayaw humarap sa batas. Tinatago siguro ng padrino at pati siya ay mapapahamak. Hawak na ng pulis, pero pinakawalan pa. Lagi na lang ganyan ang kuwento. Lahat na lang pabor sa kriminal. At hindi sa biktima, hindi sa hustisya. Sana naman may makulong na sa mga iyan!
- Latest
- Trending