Saluduhan natin ang PNP
KUMBINSIDO ang sambayanan sa ipinakikitang kasipagan ng Philippine National Police (PNP) matapos ang magkakasunod na pagtagpas sa mga pusakal sa lansangan. Epektibo ang pormulang inilatag ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome sa kanyang mga tauhan sa buong kapuluan upang mahadlangan ang riding-in-tandem, carnappers at drugs traffickers. Nitong nagdaan na mga araw sunud-sunod na napatay ang mga kilabot na riding-in-tandem sa Manila, Quezon City at Taytay, Rizal dahil sa round the clock na pagbabantay ng mga pulis. Bagamat madugo ang katapusan ng mga kriminal, hindi naman ito nangangahulugan na berdugo na ang mga pulis. Dahil madalas na nalalagay sa bingit ng panganib ang mga pulis tuwing makakasagupa sila ng mga criminal.
Katulad na lamang sa nangyaring engkuwentro sa Meycauayan City sa pagitan ng PNP Highway Patrol Group at Meycauayan Police laban sa Dominguez carjack gang. Napatay ang apat na miyembro ng Dominguez carjacking. Tatlong bala ang tumagos sa patrol car ng Meycauayan Police at wala namang tinamaang pulis. Ayon kay Meycauayan City police chief Supt. Hector Samar nagsagawa sila ng blocking forces sa Muralla Road palabas ng Muralla Park matapos masagap sa radio transmeter na may Isuzu D-Max na pinapalitan ng plaka sa madilim na lugar. Hindi pa nakakababa ng patrol car ang kanyang mga pulis ay binaril na sila ng mga suspek kaya gumanti sila. Sa di-kalayuan ay kasunod na rin ang humahabol na mga tauhan ni HPG director Chief Supt. Leonardo Espina.
Nakilala ang isa sa apat na napatay na si Nestor Samonte na sangkot sa pagpatay at panununog kina Venzon Evangelista, Lozano at drayber na Ernani Sensil.
Nagpasalamat si Boy Evangelista kina Espina at Samar dahil natuldukan na ang isa sa naging tinik sa kanilang dibdib.
Sa Taytay, Rizal, nakasagupa ng mga tauhan ni Supt. Rolando Anduyan ang dalawang carnappers ng motorsiklo at tulak ng droga sa isang check point sa Velasquez, Barangay San Juan.
Nakilala ang mga napatay na sina Novie del Rosario at Jake Buenaventura. Payo ko sa mga pulis na doblehin ang inyong pag-iingat sa pagpapatrulya para naman mapaglingkuran nang husto ang mamamayan. Congratulations sa mga miyembro ng PNP.
- Latest
- Trending