EDITORYAL - Kulang sa training ang mga pulis
NARARAPAT nang magkaroon nang dibdibang pagti-training ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP). Kulang na kulang sila sa training sa maraming bagay at dahil sa mga kakulangang ito, malaking katanungan kung magagampanan pa nila ang tungkuling pagsilbihan at protektahan ang mamamayan.
Kamakailan lang ay binatikos ang mga pulis dahil karamihan pala sa kanila ay hindi makabaril nang tuwid o laging mali sa target. Kakahiya naman ang nadiskubreng ito. Di ba ang isang kuwalipikasyon para makabilang sa PNP ay dapat tuwid kung bumaril. Paano makikipagsagupa sa mga criminal ang mga pulis kung hindi sila tuwid bumaril? Baka sa halip na ang tamaan ay ang criminal, ang kasamahang pulis ang mahagip ng bala. Hindi na nakapagtataka kung may mga pulis na napapatay dahil hindi sila ubrang makipagsabayan nang barilan sa mga masasamang-loob.
Isa pang nakakahiya ay ang katotohanang may mga pulis pala na kabilang mismo sa explosive team ay hindi alam ang gagawin sa bomba na kanilang nakumpiska. Kung ang isang pulis ay nasa ilalim ng explosive o bomb disposal team, dapat alam niya ang tamang gagawin para ito maingatan at hindi sumabog. Delikado ang gawain ng mga nasa explosive o bomb team kaya dapat kabisado nila ang gagawin. Pero hindi ganito ang ginawa ng mga pulis na kabilang sa Special Action Force-Explosives Ordinance Division ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Isang vintage bomb ang dinala umano ng mga pulis sa isang welding shop sa Lower Bicutan, Taguig noong Miyerkules ng hapon. Ipinadistrungka ang bomba at ginamitan ng welding. Habang wini-welding ang bomba, sumabog ito. Nang mahawi ang usok, apat ang nakabulagta at patay na. Kabilang sa namatay ang dalawang pulis na sina PO2 Elizalde Bisaya at PO3 Jose Torralba, may-ari ng welding shop na si Crisanto Daguio at ang may-ari umano ng katabing bakery na si Riza Romualdo.
Dibdibang training ang dapat sa mga pulis. Kung hindi sila magsasanay, hindi nila magagampanan ang tungkulin at malamang na talunin sila ng mga masasamang-loob. Ito ang isa sa dapat iprayoridad ni Gen. Bartolome.
- Latest
- Trending