^

PSN Opinyon

'Tatlong notorious'

- Tony Calvento -

IKULONG ang may mga sala. Pagbayarin ang mga nagkamali. Pagdusahan sa kulungan ang kanilang kasalanan.

Ito ang hinaing ng mga pamilya ng mga biktima ng krimen  na lumapit sa aming tanggapan nung mga nagdaang taon.

Pagpasok ng taong 2012 isa lang ang aming hangad ang makamit nila Evangeline Sigua, Roselyn Aricayos at Pedro Arellano ang hustisya sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Iba’t ibang istorya iisa ang hangarin. Ang bumagsak sa selda ang mga taong nanakit sa kanila.

Sa isang pagbabalik-tanaw ay itinampok ko sa aming pitak, “CALVENTO FILES” ang istorya ni Evangeline mula sa Cabiao, Nueva Ecija. Pinamagatan namin ang pitak na ito na “Dakpin si Boy Bautista”.

Pinatay ang asawa ni Evangeline na si Federico o “Pedy” sa harap mismo ng bahay ng amang si “Gorio”. 

Ang tinuturong pumaslang ay si Orlando Bautista alyas “Boy Openg”. Kapitbahay nila Gorio. Ang lupang binili ni Boy Openg ang tinurong dahilan kung bakit tinadtad ng baril si Pedy na kanyang kinamatay noong ika-1 ng Hulyo 2009.

Nagsampa ng kasong ‘murder’ si Evangeline sa Prosecutor’s Office Cabanatuan. Nakitaan ng probable cause ang kaso at nailabas ang warrant of arrest para kay Orlando Bautista.

Sa ngayong pinaghahanap pa din si Boy Openg.

“Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Alam ko madadakip din si Boy makakamit din namin ang hustisya,” paniniwala ni Evangeline.

Para sa ikalawang istorya, ang isang hindi lang napautang ang nambaril sa kanyang ka-toda. Aming pinamagatan ang pitak na ito na “Wanted…Miroy Gabriel!:.

Isang tama ng bala ng baril sa braso na tumagos sa tagiliran ang dahilan ng pagkaparalitiko ng kalahating katawan ni Alfredo S. Aricayos  mas kilala sa tawag na “Wali” taga-Tanza, Cavite.

Ika-6 ng Hunyo 2003, inutangan ng pera si Wali ng ka-todang tricycle drayber na si Casimiro Gabriel o “Miroy” nang hindi pagbigyan ni Wali, pagsanla naman ng paltik niyang baril ang inalok niya. Tumangging muli si Wali kaya’t tinutok sa kanya ang baril sabay putok.

Saksi sa pangyayaring ito ang asawa ni Wali na si Roselyn Aricayos. Mabilis na nakahingi ng saklolo ang asawa kaya nakaligtas si Wali subalit dahil grabe ang tama ng bala na-paralyze ang kalahati ng kanyang katawan.

Hinabol rin ni Roselyn ang bumaril subalit sadyang mabilis tumakbo si Miroy kaya’t nakatakas nang mismong maganap ang insidente.

Nagsampa ng kasong Frustrated Murder si Roselyn sa Prosecutor ng Cavite.

Walong taon ang tinakbo ng kaso hanggang nitong Pebrero 2, 2011 nailabas ang ‘warrant of arrest’ kay Casimiro “Miroy” Gabriel ni Executive Judge Aurelio G. Icasiano Jr. ng Regional Trial Court (RTC), Branch 23.

Walang makapagturo kung nasaan si Miroy. Inisip ni Roselyn na sa pamamagitang ng CALVENTO FILES, matulungan siyang mahanap itong wanted na si Miroy. Ito ang dahilan kung bakit siya nagsadya sa amin. Gusto niyang mai-‘publish’ ang litrato ni Casimiro Gabriel alyas “Miroy”.

Isang SK Chairman naman ng barangay Buting Pasig ang hinahanap ng batas. Si Dennis Hornachos.

Sa mismong kaarawan ng biktimang si Jester “Et” Arellano, 22 taong gulang nangyari ang pamamaslang.

Ginulungan, di nos por dos at ginawang humps ang katawan ni Et. Sakay ng sasakyan. Nirampa ni Dennis ang kotse diretso sa noo’y nakahiga ng biktima.

Nadamay lang umano si Et sa away ng kanyang kaibigang si “Jason” at SK Chairman. Nagkainitan ang dalawa ng gabing yun. Pinaringgan ni Jason ang SK chairman ng, “Yabang mo ah!”

Binalikan ni Dennis si Jason na noo’y kasama si Et. Agad na nakatakbo si Jason palayo habang naiwan naman si Et at siya na ang napagbalingan.

Halos matanggal ang balat niya at mabiyak ang ulo ni Et sa pambubugbog.

Hindi siya iniwang buhay ni Dennis, patay agad siya.

Sinampahan nila ng kasong Murder si Dennis. Habang ang lima namang kasama ni Dennis na nandun din ng mangyari ang krimen at naabswelto sa kaso dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya.

Nailabas na ang warrant of arrest laban kay Dennis. Hanggang ngayon, pinaghahanap pa din siya.

Sa ngayon, malaya pa rin itong si Dennis Hornachos kaya minarapat namin na ilathala muli ang istorya ni Et kasama ang larawan ng nagtatagong si Dennis.

Sa mga nagbabasa ng pitak na ito na maaring nakasalubong o nakakakilala sa mga wanted na sina Orlando Bautista alyas “Boy Openg”, Casimiro Gabriel o “Miroy” at Dennis Hornachos, makipag-ugnayan lamang sa aming mga numero na mababasa niyo sa ibaba.

(KINALAP NG reportorial team ng CALVENTO FILES)

Sa gustong dumulog, ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: [email protected]

BOY OPENG

CASIMIRO GABRIEL

DENNIS

EVANGELINE

MIROY

ORLANDO BAUTISTA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with