Editoryal - May pag-asa sa kabila ng trahedya
TINATAYANG 45,000 katao na naapektuhan ng baha sa Cagayan de Oro at Iligan cities ang magpapasko sa evacuation centers. Bukod sa bilang na ‘yan, nasa 266,000 pa ang nasa ibang temporary shelters sa labas ng evacuation center. Lahat sila ay doon magpapasko. Wala silang ibang mapupuntahan. Nawasak ang kanilang mga bahay at naanod ang mga gamit sa bahay. Ang mas masakit, marami pa sa kanilang kaanak ang hindi pa nakikita at pinaniniwalaang patay na. Mahigit 1,000 katao na ang patay dahil sa baha na dinulot ng bagyong ‘‘Sendong’’ noong nakaraang Biyernes. Marami sa mga namatay ay tinangay nang malakas na agos ay tinangay sa dagat. Tinatayang 30,000 bahay ang nawasak.
Pero sa kabila nang naranasang trahedya, nakasilip pa rin sa kanilang mga mukha ang pag-asa. Marami sa kanila ang nakangiti at tila walang bakas nang dumaang trahedya. Naranasan man ang hagupit ni “Sendong” malaki ang paniwala nilang makababangon sila sa sinapit at makakapagsimulang muli. Maitatayo nila ang nawasak na bahay at makabibili ng mga bagong gamit.
Kahit nawala dahil tinangay ng baha ang parol o Krismas Tri na dekorasyon ngayong Pasko, tuloy pa rin ang pagdiriwang nila ng kapanganakan ng Mananakop. Kahit karamihan sa kanila ay hindi makaawit ng Joy to the World, nasa puso pa rin nila ang pag-asa na maibabalik ang nawala sa kanilang ari-arian at kabuhayan. Malaki ang kanilang paniwala na makakamtan ang kanilang pinapangarap.
Kahit ang mga nawalan ng asawa, anak, apo, magulang at iba pa ay unti-unti na ring natatanggap ang malagim na pangyayari. Kahit pa napakasakit nang nararanasan nila ngayon dahil sa biglaang pagkawala ng mga mahal sa buhay, hihilom din ang natamong sugat. Sa nangyaring pagsubok, lalo pa silang titibay at haharapin ang iba pang laban sa kanilang buhay.
Nawalan man sila, patuloy pa rin ang buhay at ang Pasko na ipinagdiriwang ngayon ay maghahatid ng panibagong pag-asa. Maligaya pa rin ang Pasko sa kabila ng trahedya.
- Latest
- Trending