Matuwa ka! Sumasaiyo ang Panginoon!
Noong Biyernes (Disyembre 16) ay nagsimula na ang Simbang Gabi. Tinatawag din itong Misa de Gallo at Misa Aguinaldo o Pasalamat sa Mahal na Birhen Maria. Ito ay siyam na araw ng paghahanda sa Araw ng Pasko. Alay ko ang aking mga Misa para sa patuloy na biyaya ng Panginoon sa Pilipino Star NGAYON na lubusang naghahatid ng mga makatotohanang balita at inpormasyon sa sambayanan.
Napansin ni David na panatag siya sa kanyang ta-hanan at hindi ginagambala ng kaaway, subalit si Natan na taga-pangalaga ng Kaban ng Tipan ay sa tolda ang tahanan. Kaya’t sinabi ni Natan kay David dahil dito ay “isagawa mo ang iyong iniisip, sapagka’t ang Panginoon ay sumasaiyo.” Tinupad niya ang bilin ng Panginoon na ipagtayo siya ng tahanan. Hindi na siya magpapastol ng tupa kundi gagawin siyang hari ng Israel at bibigyan siya ng lupa upang doon manirahan ang Panginoon. Walang gagambala sa kanila at patatatagin ang sambahayanan. “Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong samsabitin”.
Aral sa atin ni Pablo na purihin natin tuwina ang Diyos. Siya ang nagpapatibay sa atin sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol kay Hesus na ipinangaral sa atin na maraming hiwaga ang nalilihim sa loob ng mahabang panahon. Kaya purihin natin ang iisang Diyos sa pamamagitan ni Hesus.
Ang mga pahayag na ito sa lumang tipan ay pinagtibay ng ebanghelyo nina Mateo at Lukas na ipinadala ng Ama sa langit ang Kanyang bugtong na Anak sa sinapupunan ng isang pinagpalang babae. Sinugo ng Diyos ang anghel Gabriel sa Nazaret, Galilea. Itinakda nang ikasal si Maria kay Jose buhat sa lipi ni David. Sinabi sa dalaga:
“Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos, Sumasaiyo ang Pa nginoon”. Napaka-dakila ng Panginoon. Ginamit Niya ang sinapupunan ng babaeng nilikha Niya na walang bahid dungis ng kasalanan upang doon idaan ang pagiging tao ng anak Niyang si Hesus. Pinili rin Niya ang lahi ni David sa magiging asawa ng pinagpala Niyang dalaga, si Maria.
Ang plano ng Ama sa langit ay hindi nagagapi ninuman. Maging sa ating pansariling buhay ay may mga plano din ang Diyos. Kaya’t tayo’y maging maka-Diyos, iwasan ang kasalanan at ito’y ganap na ipatutupad sa atin ang Panginoon. Bababa sa atin ang Espiritu Santo upang ipahayag din ang biyaya ng Ama. At tulad ni Maria ay masasabi natin: “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi”.
2Samuel 7:7,8-11; Salmo 88; Rom 16:25-27 at Lk 1:26-38
- Latest
- Trending