^

PSN Opinyon

'Tari sa kili-kili'

- Tony Calvento -

GINILID niya ang binibini. Pumagitna sa dalawang lalakeng nag-aagawan sa umano’y babaeng bayaran.

“AWAT na… sino ba nauna? Nag-iinuman tayo nag-aaway kayo!” tanong ni Metyong.

Ganito pinigilan ni Ponciano Fernando mas kilala sa tawag na “Metyong” ang nagsisimulang gulo sa pagitan ni Jun “Bebot” Fernando at Orly Gape, isang gabi habang sila’y nag-iinuman magkakaibigan. Ang pagtatalo ay dahil umano sa babaeng dayo mula sa barrio ng Looc.

Ang pakikialam ni Metyong ang dahilan ng kanyang habang buhay na pananahimik. Agad siyang namatay.

Naayos ni Metyong ang gusot. Natigil ang inuman. Mag-isang umuwi si Bebot habang umuwi naman si Orly kasama ang babae.

Nagsadya sa aming tanggapan ang kuya ni Metyong na si Jeric “Eric” Fernando, 40 taong gulang nakatira sa Sta. Cruz.

Sa bayan nila Eric sa Sta. Fe, Romblon, Barrio Pandan nangyari ang pamamaslang sa kapatid. Ika-23 ng Enero 2010 bandang 12:00 ng gabi matapos ang tagayan.

Panalo ang pinustahang manok nun ni Metyong. Mula sa sabungan sa Barrio Mat-I nagkayayaang mag-inuman.ang magkakaibigang sina Metyong at Arlan Capispisan, kagawad ng nasabing barangay.

Hapon pa lang simula na ang tagayan sa gilid ng kalsada na kung tawagin nila’y ‘talipapa’. Dahil si Metyong ang nanalo sa sabong… siya ang taya. Kasama nun sina George Bangalisan, Bebot, Orly at iba pang tropa.

Patibayan sa tunggaan… pagsampa ng alas dose tatlo na lang sina Metyong, Arlan at George na natirang nag-iinuman.

Inubos nila ang natirang ‘Gin’.  Lasing na lasing na si Metyong kaya’t inihatid sa bahay ni Bebot sa hindi kalayuan.

Umupo si Metyong sa hagdanan sa gilid ng terrace nila Bebot… yumuko at dun na natulog sa sobrang kalasingan. Iniwan siya nila Arlan at George. Bumalik sila sa talipapa at dun nagpahinga.

Pag-alis nila Arlan dumating naman ang bayaw ni Bebot na si Hardelito “Onyok” Fillartos Jr., 20 taong gulang kasama ang 14 anyos na pamangkin na si “Kiko” (di tunay na pangalan dahil menor de edad).

Dito na daw nangyari ang pagpatay. Sinaksak umano ni Onyok si Metyong sa kaliwang kili-kili… tagos sa kanyang puso. Isang ungol lang ang nadinig mula kay Metyong. Mabilis na tumakbo ang suspek at si Kiko.

Narinig ng mga kapitbahay ang kaguluhan kaya’t naglabasan ang mga ito. Tumawag sila ng pulis. Siyam na kilometro ang layo ng Mat-I sa presinto ng Sta. Fe kaya’t patay na ng datnan si Metyong.

Nag-imbestiga ang pulis. Tinuro naman ni Arlan sina Onyok at Kiko na siyang huling nakita nilang kasama ni Metyong. Pinaimbitahan ng pulis si Kiko at Onyok. Dinakip si Onyok na noo’y patakas na umano.

Walang kawala si Onyok dahil umamin daw si Kiko na siya ang sumaksak. Kwento niya, habang nanood siya ng TV pinilit siya ng tiyuhin na sumama papuntang Mat-I.

Base ibinigay na salaysay ni Kiko kay PO2 Ronaldo C. Sarito sa Pulisya ng Sta. Fe noong Ika-24 ng Enero 2010.        

Nang makatulog sina Arlan at George. Niyaya ako ni Onyok papunta kay Bebot. Pagdating dun nakita namin si Metyong na naupo sa hagdanan ng terrace tulog na at nagsabi si Onyok sa akin na hintayin ko siya sa tabi ng bakod ng bahay na iyon at pinuntahan niya ang biktima at sinaksak sa kaliwang dibdib at kaagad umalis siya isinama niya ako.

Nagsampa ng kasong Murder ang asawa ni Metyong na si Connie Fernando, na siyang nasa Romblon. Nagkaroon ng pagdinig ng kaso sa Prosecutor’s Office ng Odiongan Branch, Romblon.

Lumutang si Kiko at sinabing gusto niyang tumulong sa pamamagitan ng pagtestigo. Sumipot si Kiko, nagbigay ng pahayag at pinatotohanan ito sa pamamagitan ng pagsumpa sa harap ng prosecutor. Dahil sa ginawa niyang ito naisampa sa Korte ang ‘information’ para sa kasong murder.

Nag-umpisa ang paglilitis. Dumating ang panahon na si Kiko ay pinatawag ng Korte para ibigay ang kanyang pahayag sa harap ng ‘judge’. Hindi sumipot ang bata na- ‘postpone’ ang hearing.

“Masama ang kutob ko nag-iba ng isip si Kiko. Pakiramdam ko dahil tiyuhin niya ang akusado hindi na siya titestigo para sa amin. Hindi na niya sasabihin ang lahat ng nangyari,” sabi ni Eric.  

Malakas ang hinala nila Eric na utos umano ni Bebot ang pagpapatay ni Onyok sa kapatid.

“Siguro nagalit siya, hindi niya naiuwi ang babae dahil sa pakikialam ng kapatid ko kaya pinagplanuhan niya ito, ” ayon kay Eric.

Dagdag pa ni Eric may mga nakikita daw kay Bebot ng gabing iyon na may dalang Samurai. Malamang ito daw ang ginamit sa pagpatay kay Metyong.

Sa ngayon, inaalok daw sila Eric ng areglo ng abogado nila Onyok ng halagang Php50,000. Tumanggi umano sila Eric. Hustisya daw ang kailangan nila.

“May pera ang pamilya nila… magaling ang kanilang abogado. Paano na kami?” nangangambang tanong ni Eric.

Hindi malaman ni Eric ang legal na hakbang maari nilang gawin kaya pagpunta si Eric sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Eric.

Ni-refer namin si Eric sa Department of Justice Action Center (DOJAC) para makipag-coordinate sa Prosecutor’s Office ng Odio­ngan, Romblon.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoong mabigat man ang abogado nila Onyok sigurado kong hindi naman madedehado ang prosecutor sa kasong ito. Magagaling ang ating mga ‘state lawyers’ at bihasa sa dami ng kaso na kanilang nililitis. Sila ang makakaisip ng paraan kung papaano mapapalutang itong si Kiko para makapagtestigo sa usaping ito. Kung babaligtad naman ang batang ito kailangan niya umupo at sabihin sa harap ng judge sa pamamagitan ng recantation ang kanyang pahayag na una na niyang naibigay. Ang affidavit nitong si Kiko na binigay sa Prosecutor’s Office ay maaring igiit para ipatawag ito sa Korte. Kapag patuloy siyang hinihinto na sumipot kasuhan ang tatay nito o sino man ng paglabag ng Anti-Child Abuse Law or R.A 7610.

Ilang ulit ko na ring binanggit na ang recantation hindi natutuwa ang Korte diyan sa kadahilanang maari itong isang afterthought o napag-isipan lamang o nagkabigayan ng pera. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari kayong magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig City (Lunes-Biyernes).

Follow us on twitter: Email address: [email protected]

 

ARLAN

BEBOT

ERIC

KIKO

METYONG

NILA

ONYOK

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with