EDITORYAL - Mga tindang baso at mug ay delikado
HINDI lamang laruan ng mga bata ang may toxic chemical, meron din ang mga baso at mug na ngayon ay nasa pamilihan. Nga-yong Pasko, huwag basta bibili ng mga baso at mug para ipangregalo sa inyong mahal sa buhay o sa kaibigan. Delikado ang mga gamit na ito sapagkat nagtataglay ng mga chemical na masama sa kalusugan lalo sa mga bata. Huwag maakit sa magagandang kulay ng mga pininturahang baso at mug o kaya’y dahil mura lang ang mga ito. Sa dakong huli ang mga baso at mug na ito ang magbibigay ng problema dahil sisirain ang kalusugan.
Nagbabala ang Ecowaste Coalition na ang mga mug at baso na karaniwan itinitinda sa Divisoria, Carriedo at Quiapo ay nagtataglay ng mataas na content ng lead (tingga). Ayon sa grupo, kapag ang bata ang gumamit ng mug o baso, makukuha niya ang nakalalasong lead. Kapag uminom ang bata sa baso, lilipat sa katawan niya ang kemikal. Mapanganib ang lead sapagkat pinapupurol ang utak ng bata, napade-delay ang pagsasalita at nahihirapang makaintindi sa binabasa.
Bukod sa lead, taglay din ng mga pininturahang baso at mug ang mga chemical na antimony, cadmium, arsenic at chromium na masama sa kalusugan. Mismong ang mga gi-namit na pampintura sa baso ay kinakitaan din nang mapanganib na kemikal. Ang mga bata ang laging nakaharap sa panganib na dulot ng mga baso at mug na nagkalat sa pamilihan ngayong kapaskuhan. Pawang galing sa China ang mga baso at mug na nagkakahalaga ng P20 bawat isa.
Huwag isubo sa kapahamakan ang mga mahal sa buhay at kapwa. Huwag tangkilikin ang mga gamit na may mga kemikal na pupuksa sa buhay. Mag-ingat sa pagbili ng mga nakaaakit na baso na ang nasa likod ay mukha ni Kamatayan. Maging mapanuri sa pagbili ng mga produktong may lason.
- Latest
- Trending