Karma vs. Katarungan
ANO nga ba ang histerya sa pagpapalabas ng litrato o mug shots ni Gng. Arroyo? Hindi nga ba ito public record na bukas sa inspeksyon ng lahat? Si President Estrada ay nakunan din nung siya’y inaresto. Sino ang makakalimot sa video ni Erap na kinukunan ng litrato na para bang walang kinaiba sa karaniwang kriminal?
Ang sabi ng marami ay K itong nangyayari ngayon kay Gng. Arroyo. K as in karma. Sang-ayon ako riyan. Kung ano ang pinagdaanan noon ni Erap, ganyan din ngayon sa kanya. Subalit mabigyan man ako ng K o Kaligayahan ng kanyang K o Kulong, ibang K ang aking hinahanap dahil ito lang ang maghahatid ng tunay na K o katahimikan sa lipunan. Ito ay ang K ng Katarungan.
Hindi maitatago ang abusong naganap sa pagpigil kay Citizen Arroyo na mangibang bansa kahit hindi pa ito nasasakdal. Ngayon naman ay heto ang usapin tungkol sa pagbulgar ng kanyang mga booking photos o mug shots. Gaya ng sinabi ni Sen. Miriam, labag sa karapatang pantao ang pagpakalat ng mug shots – lalo na sa kasong ito na inilabas bago pa man masumite sa hukuman. Siyempre, dahil ang may kustodiya ng mga litrato ay ang mga kapulisang kumuha nito, maituturing na sila ang may kagagawan.
Obserbasyon ng iba ay parang umulit lang ang kasaysayan. Totoo nga naman – naulit ang mga kasalanan ng nakalipas. Ang mga mug shots ni Erap ay panakaw na kinunan ng isang miyembro rin ng kapulisan. At ang pag-abuso kay Erap ay naulit ngayon sa katauhan naman ni GMA. Walang argumento na kailangang panagutin si Gng. Arroyo sa mga paratang laban sa kanya. Hanap ng tao na mabigyang katarungan ang katakut-takot na kawalanghiyaang naganap sa ilalim ng kanyang administrasyon at sa kamay ng kanyang mga kampon.
Subalit kapag ito ay maipataw sa hindi rin makatarungang paraan, mawawalan ng kabuluhan ang anumang ta gumpay ng pamahalaan dahil sa pinsalang resulta sa lipunan.
- Latest
- Trending