Paglilitis sa massacre: Matagal pang matatapos
IBABAHAGI ko ang mga winika ni dating senador Aqui-lino Pimentel Jr. sa ikalawang anibersaryo ng Maguindanao massacre. Mga sipi:
Limampu’t walo ang malagim na pinatay noon. Mabilis isinampa ang mga kaso. Ngunit hanggang sa ngayo’y wala pang husga. Sa bagal ng paglilitis, walang maaasahang husga sa loob ng isa o dalawang taon.
Nagtakda ang huwes ng dalawang araw kada linggo sa pagdinig. Humingi ang defense lawyer ng dagdag na isa pang araw. Nakakapagtaka, tumanggi ang isa sa prosecutors dahil marami pa siyang ibang kaso. Kadalasan ang depensa ang nagpapatagal sa paglilitis hanggang magsawa ang naghabla. Dito baliktad. Naglaho ang karapatan sa mabilis na paglilitis, na nakasaad sa Bill of Rights ng Konstitusyon.
Bahagi ito ng mas malaking problema sa Pilipinas: Mabagal na hustisya. Ibang-iba sa mga bansa na may jury system. Ano’ng magagawa natin? Walang mabilis na solusyon? Isa, ayusin ang Rules of Court: Magtakda ng time limit sa mga paglilitis. Gawing rason ang pagpapabagal para i-disbar ang isang abogado. Ipagbawal ang malimit na pagpapaliban ng pagdinig.
Dalawa, alituntunin para sa lahat: Nakakahiya na nakabinbin hanggang ngayon ang isang krimen na kasing lagim ng Maguindanao massacre. Sa Los Angeles ang doktor sa pagkamatay ni Michael Jackson ay nahatulan matapos ang anim na linggong paglilitis lang. Hinabla na nitong nakaraang linggo ang rightist na pumatay ng 77 katao sa Norway; bawal ang postponements sa trial na magsisimula sa 2012. Hindi kinikilala ang mayaman o mahirap. Ikinahihiya at kinasusuklaman ang krimen. Hinahangad itong pigilan sa pamamagitan ng mabilis at mabigat na hustisya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending