Walang karapatan sa sustento ang asawang may kabit
IKINASAL sina Boy at Gloria noong Hunyo 19, 1951. Katulad ng ibang ikinasal, matamis ang naging umpisa ng kanilang pagsasama. Pero habang lumilipas ang mga taon at dumadami ang kanilang anak unti-unting umasim ang kanilang pagsasama. Kahit mayroon silang anim na anak ay hindi makuhang panatilihin ng mag-asawa ang katibayan ng pagsasama. Kinukunsidera ni Gloria ang sarili bilang isang modernong babae, malaya siyang nakakaalis kung kailan niya gusto at sumasama sa ibang lalaki. Nagkaroon siya ng relasyon sa ibang lalaki at madalas makita na magkasama sila.
Nagsampa si Boy ng kasong kriminal noong Hulyo 12, 1969 para sa kasong adultery laban sa asawang si Gloria at sa lalaki nito. Bilang ganti, nagsampa ng kasong sibil si Gloria para hiwalayan ang asawa, magkaroon ng paghihiwalay ng ari-arian nila at para humingi ng sustento. Ang ginamit niyang basehan sa petisyon ay ang ginagawa diumano na pambababae ni Boy at ang ginawa raw nito na pagtatangka sa kanyang buhay.
Kinuwestiyon ni Boy ang aplikasyon ni Gloria para sa sustento habang nililitis pa ang kanilang kaso para sa legal separation. Ang basehan naman ni Boy para sabihin na walang karapatan sa sustento si Gloria ay ang nakabinbing kaso ng adultery.
Kinampihan ng korte si Boy. Ang nakabinbin na kaso ng adultery ay magandang depensa laban sa hinihi-nging sustento ni Gloria lalo at nililitis pa ang kaso niya para sa paghihiwalay.
Ang karapatan para humingi ng hiwalay na sustento kahit mula sa perang pag-aari nilang mag-asawa ay dapat base sa isang makatarungang dahilan. Kung hindi ay walang karapatan si Gloria na humiwalay ng tirahan at humingi ng sustento. Ang petisyon na isinampa ni Gloria ay matatawag na “in bad faith” dahil siya mismo ang gumawa ng dahilan para makipaghiwalay sa asawa. Hindi layunin ng batas na sakupin ang ganitong sitwasyon.
Sa katunayan, kusang natatapos ang obligasyon ng lalaki na magbigay ng sustento sa asawa sa oras na ang babae ang mismong magbigay ng basehan ng kanilang paghihiwalay. Kung hindi siya dapat bigyan ng permanenteng sustento dahil sa kanyang ginawa, mas lalong wala siyang ka rapatan na humingi ng pansamantalang sustento habang nililitis pa ang kaso niya (Lerma vs. Court of Appeals, et. Al., L-33352, Dec. 20, 1974).
- Latest
- Trending