Ugat ng Epal
ANG pagkakwela ni Sen. Miriam Defensor Santiago sa kanyang mga public speeches, press interviews at sa floor ng Senado ay laging inaantabayanan ng mga sumusubaybay sa pulitika. Di tulad ng ibang komedyanteng politiko, ang kay Sen. Miriam ay laging malalim at nagmumula sa matinding paniwala sa kanyang ipinaglalaban. Kailanman, ang kanyang pagkapilya ay hindi pagkakamalang kababawan. Sunod kay Senate President Juan Ponce Enrile, mahihirapan tayong pumili kung sino kina Sens. Miriam, Angara at Arroyo ang magaling.
Kaya marami ang nagulat nang si Sen. Miriam ay nag-file ng Senate Bill No. 1967, “An Act Prohibiting Public Officers from Claiming Credit through Signage Announcing a Public Works Project” na sumikat sa taguring “Anti-Epal Bill. Hindi inaasahang sa Senado – at kay Sen. Miriam --- manggagaling ang ganito ka-basic na panukala. Ako man, nang naging miyembro ng Konseho ng Maynila noong 1988, ay nag-file ng ganitong panukala – hindi lamang ang paglagay ng pangalan at pangit na picture sa signage ang gusto ko noong ipagbawal. Maging ang pagpamigay ng calling card na may nakasulat na “please extend assistance to bearer” at ang paggamit ng special car license plates ay pinuntirya rin.
Ang ugat ng lahat ng ito ay siya ring ugat ng no wangwang policy – na ang tiwalang ipinagkaloob sa iyo bilang lingkod bayan ay hindi libreng sasakyan tungo sa pansariling gloria.
Mabuti ngang sa Senado na nanggaling ang inisyatibo rito. Paano nga aasahan ang kongresistang magpatanggal sa gawaing sila mismo ang nakikinabang? Ang ganitong mga hakbang – tawagin man itong basic – ay kritikal upang maumpisahan na ang reporma sa ating pulitika. Matagal nang tinitiis ng lipunan ang sistema ng persona-lity at pork barrel politics. Kaya nga sila umeepal di ba, dahil sila rin mismo ang nakakapamili ng proyekto at ng
kontratista? Request natin kay Senadora: Tuluyan na sanang ipagbawal ang pork barrel. Ipagbawal man ang pangalan sa signage, kung sila pa rin ang may say kung saan gagastusin ng ehekutibo ang budget, eh di andun pa rin ang ugat ng Epal.
Sen. Miriam Defensor-Santiago
Grade: 90 (100 kung pati pork barrel ipagbawal)
- Latest
- Trending