Iba na ang mga pari ngayon
NOONG araw, kapag mga pari ang pinag-uusapan, ang alam nating mga trabaho nila ay magmisa, makinig ng kumpisal, at tumulong sa tao, lalo na sa mga mahihirap. Kaya ano naman ang nagagawa ng isang Italianong pari, para siya patayin? Si Father Fausto Tentorio ay binaril ng ilang beses habang pasakay na sa kanyang sasakyan, ng mga di pa kilalang tao, at wala pang grupo ang umaangkin sa kanyang pagpatay. Ayon sa mga malapit sa pari, si Father Tentorio ay malaki ang malasakit sa mga mahihirap, lalo na sa mga lokal na tribu sa Cotabato. Ang hinala ng mga pulis ay may kinalaman ang pagpaslang sa pari sa pagmimina sa rehiyon, o dahil sa trabaho ng pari kung saan pinaiiral ang karapatan ng mga lokal na tribo sa kanilang lupain.
Iba talaga ang gulo ng Mindanao. Magtataka ka nga kung bakit nagpipilit pang magpunta at tumulong ang mga dayuhang pari sa lugar. Nakikita lang ang kanilang determinasyong tumulong sa mga agrabiyadong tao, katulad ng mga lokal na tribu na nawawalan na ng tirahan at kabihasnan. Nagsimula na ang imbestigasyon sa pagpatay sa pari, dahil malinaw na merong hindi nagustuhan ang trabaho ni Father Tentorio. Pero wala talagang makaintindi kung bakit siya papatayin sa ganoong paraan pa! May nabanggang makapangyarihan na tao o korporasyon siguro, kaya ganun.
Iba na nga ang ginagampanan ng mga pari ngayon, hindi lang magmisa o makinig ng kum-pisal. Kailangan nagiging bahagi rin sila ng komunidad ng sinisilbihang parokya, para malaman ang mga espiritwal na pangangailangan nila. Sa kaso ni Father Tentorio, baka mas malawak ang kanyang ginampanan sa komunidad. Bukod sa isang pari, baka naging tila pinuno na rin ng mga tinutulungan niyang tao.
Ganyan na lang palagi ang ginagamit na solusyon sa Mindanao. Baril. Kung may lugar na dapat may gun ban na panghabambuhay, Mindanao na siguro iyon. Ilan pa ang mamamatay dahil sa mga problema sa Mindanao, o baka mas tamang sabihin, mga tao sa Mindanao! At sa lahat ng tao, bakit pari na tatlong dekada nang tumutulong sa mga Pilipino sa Mindanao ang papatayin? Minsan talaga nagtatanong ako sa sarili ko, kung dapat pa bang tulungan ang mga tao na ayaw naman mamuhay ng tahimik, nang walang karahasan!
- Latest
- Trending